‘LABASAN NG BAHO’: Duterte, nagbantang ibubulgar ang korap na “panggulo” bago mag-Mayo
Ni Emmanuell Ramirez
PHOTO: UPI |
Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na pangangalanan niya ang pinaka-korap na lalaking kandidato sa pagkapangulo, bilang tulong sa pagdedesisyon ng mga botante sa kanilang iboboto; bukod pa ang ilalabas niyang mga baho sa mga tatakbo—maliban lang sa “isa”.
Sa isang Talk to the People briefing, nilinaw ni Pangulong Duterte na hindi siya namumulitika, kundi nagsasabi lang ng katotohanan na parte lang ng kanyang trabaho bilang punong ehekutibo, base sa mga impormasyong nakalap niya sa kanyang gabinete at sa personal niyang mga karanasan.
“Di ako namumulitika, I’m talking to you as a president. Pero there are things that you must know sa aking trabaho, and heto kailangan ilalabas ko, kasi we are talking about elections. We are talking about our country and the next rulers, so to say, so to speak,” abiso ng presidente noong Martes.
“Sa lahat ng nakikita ko, para sa akin ha—well, except one—lahat merong issue na di maganda,” aniya.
Bulgar pa ng pangulo, panay-reklamo ang mga Tsino sa tinutukoy niyang korap na kandidato, pagdating sa mga opisyal na transaksyon; bilang tugon, kakasuhan daw ni Duterte ng korapsyon sa ilalim ng Revised Penal Code o ng Republic Act 3019 na Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“Nakita ko na parang taong nakainom, malaman mo na medyo sumobra siya sa limit ng botilya na kaya niya, tas mag-away, tas magtapang, tas magsalita-masakit, kala niya may utang yung tao sa kanya, ganun yan eh,” dagdag pa niya.
Bukod sa kanya, pinasaringan din ni Duterte ang isang kandidato na hindi raw “deserving” maging president, at isa pang “medyo kulang talaga” na aniya’y puro mali raw ang mga sinasabi.
Pangangalanan daw ng pangulo ang nasabing kandidato isang buwan bago ang eleksyon, bilang obligasyon niya sa mga Pilipino at hindi para mamersonal.
“Bahala na kayo. If you want to believe in me, or if you still believe me, I will tell you; but if you reject it, if ayaw niyo maniwala, ang masasabi ko lang, bahala kayo. Tutal it’s your country, that’s not only mine, kailangan may malaman kayo na alam ko na di niyo alam,” patutsada ng pangulo.
Siniguro naman ni Cabinet Secretary at Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na may kredibilidad ang mga paratang ng pangulo dahil sa mga intelligence report na tanging ang presidente lang ang nakaka-access.
“Bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, syempre marami po siyang mga sources, vetted intel reports and other various sources at his disposal. So abangan na lang po natin ang Pangulo sa mga further pronouncements niya about that,” depensa ni Nograles.
Paalala ng spokesperson na nasa mga mamamayan pa rin ang desisyon kung papaniwalaan nila ang mga impormasyong inihahatid ni Pangulong Duterte; pahayag ni Nograles, “it is the people’s choice. It’s up to you.”