Ancajas, dedepensahan ang titulo kontra Martinez
Ni Jea Elijan De Pablo
PHOTO: Frederic J. Brown/AFP via Getty Images
Muling sasabak sa ring si International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin "Pretty Boy" Ancajas para selyuhan ang ika-sampung titulo kontra sa 13th ranked contender at Olympiad Argentine Boxer Fernando Daniel (Puma) Martinez.
Nakatakdang ganapin ang bakbakan sa Cosmopolitan, Las Vegas sa darating na ika-26 ng Pebrero.
Nakapagtala si Ancajas ng rekord na 33-1-2 na may 22 knockouts; dahilan upang mas lalo niyang higpitan ang barikada sa kaniyang titulo sa IBF na kaniya nang pinanghahawakan simula pa 2016.
Pahayag ng kaniyang coach-manager Joven Jimenez, matagal nang pinapangarap ni Ancajas ang makapaglaro sa naturang bansa.
"Parang napaganda pa ang ibinigay na oportunidad ng Panginoon. Excited si Jerwin sa unang laban niya sa Vegas." ani Jiminez.
Susunod namang makakaharap ni Ancajas ang WBO titleist Kazuto Ioka sa buwan ng Abril o Mayo na nakahandang ganapin sa Japan.
Kung sakali mang swertehing masungkit ang kampeonato ay mabibigyan niya ng isang titulo ang isa pang Filipino Boxer Jade Bornea para makapaglaro sa bantamweight division.
Kasalukuyang nag-eensayo si Ancajas sa Los Angeles kasama ang mga kapwa boksingerong si Jeo Santisima at Tokyo Olympic Bronze Medalist Eumir Marcial.