By Justine Juyad

PHOTO: smartgilasbasketball.com

Tahimik pa ang Gilas Pilipinas Youth sa kasalukuyan habang papalapit ang balik-arangkada ng FIBA tournaments matapos i-anunsiyo ng naturang asusasyon ang kanilang buong calendar para sa 2022. 


Kalakip dito ang Fiba U-16 Asian Championship ngayong June 12-19 sa Kuwait habang ang U-18 Asian Championship naman ay gaganapin sa Iran ngayong August 21-28. 


Wala pang tiyak na roster ang koponan at hindi pa nakakabalik-ensayo matapos ang dalawang taon dahil sa pandemya.


"Unfortunately, we haven’t been given the go signal to train or even assemble because of the government rules and health and safety protocols. Bawal pa sa youth level eh," ayon sa mensaheng binigay ni coach Sandy Arespacochaga sa Spin.PH.


Matinding pressure rin ang haharapin ng mabubuong fresh-breed ng Batang Gilas dahil mataas ang narating ng kanilang susundang batch na binubuo nina NBA hopeful Kai Sotto, Carl Tamayo, Dave Ildefonso, at Geo Chiu na ngayo'y sumasabak na rin para sa Seniors team.


Kabilang sa listahan ng mga posibleng makasama sa bubuuing team ni coach Arespacochaga ay nagmula sa pamilya ng mga kilalang basektbolista sa Pilipinas; una na rito ang bunsong kapatid ng mga Gomez de Liano na si Jordi,  isang sharp shooter mula sa University of the Philippines.


Kabilang rin ang anak ng mga PBA legends na sina Kenji Duremdes (anak ni Kenneth Duremdes) at Echo Laure (anak ni Eddie Laure).


Sa ngayon, umaasa si coach Sandy na humupa ang COVID-19 situation ng bansa nang maumpisahan na ang paghubog sa bagong Batang Gilas.