COVID-19 cases sa Metro Manila, bumababa na ayon sa OCTA; Baguio at Iloilo City, nagtala ng mas maraming aktibong kaso

Ni Irene Mae Castillo

PHOTO: ABS-CBN News

Bumaba sa -42% ang one-week growth rate ng National Capital Region (NCR) na nangangahulugan ng malinaw na "downward trajectory" sa mga bagong kaso ng COVID-19 ayon sa OCTA Research.

Dagdag pa rito, bumaba rin sa 1.20 ang reproduction number ng nasabing rehiyon mula sa 2.95 na tala kumpara sa nakalipas na linggo. Ibig sabihin nito, bagaman mataas pa rin ang naitatalang impeksyon sa NCR, hindi na rito nagmumula ang higit sa kalahati ng araw-araw na bago at aktibong kaso sa buong bansa. 

Ayon sa pahayag ni OCTA Research Fellow Guido David sa 'The Source' ng CNN Philippines, kung magpapatuloy ang ganitong tala sa Metro Manila, maaaring pumalo na lamang hanggang sa 500 ang kaso ng impeksyon sa naturang rehiyon sa katapusan ng Pebrero.

"Hopefully by Valentine's Day, it will be down to 1,000 cases per day in NCR. By the end of February, these are my new projections, it could be down to less than 500," ani David.

Samantala, pinaalala naman ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa bukod na briefing ang mga limitasyon na dapat pa ring ikonsidera ng mga mamamayan kahit pa bumababa na ang kaso sa Metro Manila, lalo't marami pa rin ang gumagamit lamang ng antigen tests at kusang ina-isolate ang kanilang mga sarili. 

"Gusto ho natin pag-aralan muna nang mas maigi, makita natin na talagang bumababa ang trends together with the other factors that we consider tsaka po tayo magsasabi," pahayag ni Vergeire.

Sa kabilang banda, mas dumarami ang naitatalang aktibong kaso ng ilang mga probinsya sa labas ng NCR, CALABARZON, at Central Luzon. Base sa tala ng OCTA noong ika-23 ng Enero, tumaas sa 152.39 ang average daily attack rate (ADAR) ng Baguio City, habang 82.38 naman ang sa Iloilo City. 

Ayon sa OCTA, patuloy pang tataas ang mga kasong ito kaya naman dapat na panatiliin ng mga residente ang pag-iingat at pagsunod sa basic health protocols lalo na sa pampublikong mga lugar.



Previous Post Next Post