'GOODBYE PHILIPPINES' Duterte, kinastigo ang mga 'di-bakunado vs COVID
Ni Alyssa Damole
PHOTO: News18 |
Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagkadismaya sa mga Pilipinong pinaaantala ang pagpapabakuna kontra COVID-19, partikular na sa Metro Manila, sa kabila ng lumalaganap na Omicron at Delta variant.
"Talagang nagtataka ako na napakarami pala ang wala pa... 'pag nagpatong COVID at saka sumakay itong si Omicron pati si Delta, ah, goodbye, Philippines," aniya sa kanyang Talk to the People nitong Enero 6, 2022.
Ayon sa kanya, malaking problema ang 'procrastination' ng mga Pinoy pagdating sa pagpapabakuna na maaaring maging dahilan upang makaranas ng severe COVID.
Kaugnay nito, itinalaga ng pangulo ang mga opisyal ng barangay kabilang na ang mga barangay tanod bilang 'person in authority' na may tungkuling ibukod ang mga hindi pa bakunado sa exposure at direct contact.
"I am now giving orders to the barangay captains to look for those persons who are not vaccinated and just request them or order them if you may to stay put," ani Duterte.
(KAUGNAY NA ULAT: Restrain unvaxxed people, Duterte tells barangay chiefs; IHU entry unavoidable, 'whether we like it or not')
Kanya ring idinagdag na maaaring arestuhin ng barangay chairpersons ang mga hindi pa bakunadong indibidwal kung sakali mang hindi sila sumunod, ngunit hindi ito kailangan gawin nang agaran.
"If he refuses, the barangay captain being a person of authority have the power to arrest... 'Di naman agad arestuhin, basta pakiusapan lang. E 'di ka nagpabakuna then you put everybody in jeopardy," pahayag niya.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-apela ni Duterte sa mga Pilipinong hindi pa nababakunahan at inabisuhan niya itong magkaroon ng konsiderasyon sa iba pang mga taong kanilang nakakasalamuha.