GOV POGI CANCELLEDT ERA? BBM ‘high na high’ ang ratings sa ‘survey’ ni Remulla; netizens bumwelta

Ni Kaela Gabriel
PHOTO: Jonvic Remulla (Facebook)
Umani ng samu’t-saring reaksyon sa Facebook ang post ni Cavite Governor Jonvic Remulla kung saan kanyang inanunsyo na mananalo sa nasabing probinsya ang presidential aspirant na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ayon sa sarbey na isinagawa noong Disyembre.

Sa naturang Facebook post na mayroong humigit-kumulang 61k reactions, pinutakte ng 28k ‘haha’ reactions ang kanyang post na pinamagatang “BAWAT BUKAS.”

Ayon sa gobernador, isinagawa ang pagsusuri na mayroong 1,600 respondents mula sa buong Cavite noong Disyembre 1-5 ng nakaraang taon.



Sa resulta ng ‘internal survey’ na inilabas ni Remulla tungkol sa presidential bets, makikitang nangunguna si Marcos Jr. kung saan 62% ang kanyang nakuha na sinundan naman ng Kabitenyong senador na si Panfilo “Ping” Lacson na mayroong 16%, Maria Leonor “Leni” Robredo na may 9%, Francisco “Isko” Domagoso na may 6%, at Emmanuel “Manny” Pacquiao na mayroong 4%.

“If the election was held today? BBM will win in Cavite by a landslide… I believe he will win the Presidency in 2022. It’s his time. It’s his destiny,” ani Remulla sa dulo ng kanyang FB post.

Samantala, pumalo na sa 25k ang mga komento sa kanyang post na kaninang umaga lamang nailagay sa kanyang opisyal na Facebook page. 

Remulla, para kanino ka ba talaga?

Habang ikinatuwa ng ilang Kabitenyo ang resulta ng sarbey, karamihan naman sa ibang mga komento ay nagpapakita ng pagkadismaya sa gobernador dahil umano sa pagiging ‘balimbing’ nito.

Ani isang netizen, “Hope you don’t win this time. Napakabalimbing mo. Kung saan malakas ang hatak, naroon ka. Remember when you left Binay because you know that PRRD was going to win?”

Matatandaang nitong ika-11 ng Enero ay nagsagawa rin ng impormal na survey sa Twitter si Remulla na kalauna’y binura din niya matapos manguna ni Robredo sa boto.


Nakakuha ng 20,466 na boto sa loob lamang ng tatlong oras kung saan 81% nito ay nakuha ni Robredo habang 11% naman ang nakuha ni Marcos na sinundan naman ni Lacson na mayroong 7% at Pacquiao na mayroong 1%. 

Nilinaw naman ng gobernador na hindi na nailagay ang iba pang kandidato rito dahil sa apat lamang ang maaaring ilagay na pagpipilian sa Twitter polls.

Sa kasalukuyan, nananatiling trending ang ‘Cavite’ at ‘Remulla’ sa Twitter dahil sa kanyang pagbubura ng naturang sarbey sa Twitter at pag-ere niya ng kanyang suporta para sa anak ng dating diktador na si Marcos Jr. sa Facebook.



Previous Post Next Post