Ni Kier James Hernandez 

PHOTO: DZRH

Hindi umano tatakbo si Senator Manny Pacquiao sa pinakamataas na posisyon kung kulang siya sa kaalaman at kung hindi niya alam ang mga problema ng bansa. 

Ito ang iginiit ng boxing legend na si Pacquiao sa "Ikaw Na Ba?" presidential interview ng DZRH nitong Huwebes kaugnay sa problema ng ekonomiya ng bansa ngayong may pandemya. 

"Alam niyo, pinag-aralan ko po lahat ‘yan, kung ano ang problema ng ating bansa, pinag-aralan ko. Kaya nga sinasabi ko sa lahat na hindi ako tatakbo sa pagkapangulo kung kulang po ang aking kaalaman, kung hindi ko po alam ang problema ng ating bansa," ani Pacman. 

Sinabi rin ng senador na bakit niya ipapahiya ang sarili gayong 'matagal' niyang inalagaan ang kanyang pangalan. 

“Bakit ko ipapahiya ang sarili ko na tatakbo ako rito tapos matagal kong inalagaan ang pangalan ko, tapos tatakbo ako rito sa pagkapangulo na wala akong alam? Hindi po ako tumatakbo na wala akong alam, kundi alam ko po ang lahat ng problema,” aniya. 

May mga kritikong nagsasabing wala pa siya masyadong karanasan sa pulitika ngunit tugon niya, "kapag experience sa buhay ang pag-uusapan, daig ko po ‘yan sila lahat." 

Kung mananalo naman siyang pangulo, magbibigay umano siya ng mas maraming badyet para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), aakit ng mga foreign investors at palalakasin ang "non-tax revenue." 

Idinagdag pa niya na ang dapat daw pagtuunan ng gobyerno ay ang revenue income. Kaya raw may utang ang bansa ay dahil mas mataas pa ang gastusin kaysa sa kita ng bansa. 

“Ang concern po natin, ‘yung revenue, income ng ating gobyerno, napakaliit po. Ang sinasabi ko nga po dito ay kung talagang matatalino po talaga ang mga namuno mula pa noon hanggang ngayon, alam mo sa totoo lang ang dapat nating pagtuunan ng concern natin ‘yung revenue income ng ating gobyerno," sambit pa ng senador. 

“Kumbaga sa isang bahay, ‘yung income ng isang bahay, mas malaki ang ginagastos ng isang bahay kaysa income ng isang bahay, so ganun po ang sitwasyon ng ating bansa. Mas malaki ang ginagastos natin taun-taon kaysa kinikita ng ating bansa, kaya palaki nang palaki ang deficit natin at inuutang natin,” dagdag pa. 

Idiniin din ni Pacquiao ang kanyang kakayahan na mamuno habang tinatalakay niya ang mga posibleng solusyon sa problema sa ekonomiya ng bansa sa panahon ng pandemya ng COVID-19.


Iniwasto ni Maverick Joe Velasco


DISCLAIMER