IHU variant mula sa France “on the radar but not a threat” — WHO
Ni Jhennisis Valdez
PHOTO: IND Blogger |
Halos bawat linggo, may namamataan na panibagong COVID-19 variant. Karamihan sa kanila ay mabilis na nawawala at hindi na kumakalat pa. Ngunit, may mga variant na nakakaapekto sa health response at vaccine efficacy. Ang mga variant na ito ay kabilang sa “variants of monitoring (VBM)”, "variants of concern (VOC)", at “variants of interest (VOI)” ng World Health Organization (WHO).
Ngayong Disyembre lamang, may panibagong strain ng coronavirus na lumaganap sa France: ang IHU variant. Tinatayang mayroong 46 mutations at 36 deletions ang IHU, na nagdulot ng pagiging genetically distinct nito mula sa orihinal na coronavirus na unang nadiskubre sa China.
Sa kabutihang palad, hindi gaano kalala ang IHU variant, kumpara sa mga naunang variants na itinuturing VOI o VOC. Nitong Martes, nagbigay ng pahayag si Abdi Mahamud, ang WHO incident manager of COVID, sa ginanap na press briefing sa Geneva City, Switzerland. "IHU variant is on our radar but is not a threat," aniya.
Dagdag pa ng researcher na si Didier Raoult sa kanyang isinapublikong research, mayroong “unpredictability” ang paglaganap ng IHU variant. "There is an unpredictability in the emergence of SARS-CoV-2 variants, and of their introduction in a given geographical area from abroad," paliwanag niya.
Unang namataan ang IHU variant nitong Nobyembre sa Marseille, southeast France. Ayon sa medRxiv, mula ito sa isang tao na nanggaling sa bansang Cameroon sa Central Africa. Sa kasalukuyan, umabot sa 11 na tao ang nakasalamuha ng turistang ito, na nagdulot ng pagkapositibo nilang lahat sa IHU variant.
Ayon sa ulat ng CBS News, tinatayang 50% ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay Omicron Variant. Umabot na sa 335,000 na panibagong kaso. Sa kabilang dako, nanatili pa rin sa 12 kaso ng IHU variant ang naitala sa France, at hindi pa rin nadadagdagan hanggang ngayon.
Ayon kay Raoult, masyado pang maaga upang pag isipan ang mga virological, epidemiological, at clinical features ng IHU variant.