Ni Kaela Gabriel
PHOTO: Screen grab from Arshie Larga (@arshielife)/TikTok

“I-discount pa ba eh libre na nga yung gamot?”

Ibinahagi ng Pharmacist Content Creator na si Arshie Larga ang kanyang panlilibre ng gamot sa isang customer ng kanilang parmasya. Sa dulo ng bidyo, ipinaliwanag ni Larga na galing pa sa napamaskuhan niya sa GCash ang ginamit niyang pantulong sa mamimili sa bidyo.

Matapos i-post ang bidyo, nadagdagan pa ang nakuha ni Larga sa GCash na umabot na sa P99,953.20 at P43,343.94 naman sa Paypal batay sa bago niyang post sa Twitter kung saan pinasalamatan niya ang lahat ng nag-abot ng tulong. 

Ang nasabing bidyo ay umani na ng 887.9k likes at 23.5k comments kung saan pinuri ng mga netizens si Larga na mayroon na ring humigit-kumulang 2.5m followers sa TikTok at 40k sa Twitter.

“So ‘di ba po noong Pasko, nauso ‘yung pag-post ng mga GCash accounts sa mga social media accounts natin… edi pinost ko rin ‘yung akin! For fun lang, hindi ko naman in-expect na may mga tao talagang magpapadala ng pera,” ani Larga sa isang post.


Dagdag pa niya, nasa P2000-3000 lamang ang kanyang unang natanggap na kalauna’y naisipan niyang ipangtulong ‘sa mga taong kulang ang pambili ng gamot.’

“Kaya ko po nagagawa ang mga ganoong bagay dahil sa inyo.. Grabe, hanggang ngayon hindi ko po akalain na makakatanggap ako ng ganito kalaking pera mula sa mga tao na hindi ko naman kilala, na hindi rin naman ako kilala personally pero pinagkatiwalaan niyo po ako kaya maraming-maraming salamat po sa inyo,” pasasalamat ni Larga.

Sa kabuuan, P143,342.86 na ang nalikom ni Larga ngayong ika-15 ng Enero batay sa huli niyang update sa Twitter na kanyang gagamitin sa isang proyektong related sa medical mission.



Nilinaw rin ni Larga na hindi rin siya nanghihingi ng pera bilang babala laban sa mga ‘scammers’ at sinabi ring hindi niya gagamitin ang nalikom para sa sariling interes.

“Again, hindi po ako nanghihingi ng pera dahil may mga tao lang po talagang gustong magpadala ng pera at makatulong sa iba… Hindi po ako nagso-solicit ng pera, at wala po akong ibang kakilala na nagso-solicit para sa akin. So ‘yon po, huwag po tayong papa-scam,” paalala ni Larga.