Ni Monica Chloe Condrillon
PHOTO: Gov. Gwen Garcia/Facebook

Nakatanggap ng ilang negatibong reaksyon si Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa naging ayos niya para sa kanyang ‘prayer dance’ ngayong ipinagdiriwang ang taunang Sinulog Festival para sa selebrasyon ng piyesta ng Sto. Niño.

Suot niya ang puting gown na gawa ng isang international designer na si Cary Santiago na binansagang ‘Hope’ dahil nagpapahayag umano ito ng pag-asa para sa mga Cebuanos na naging biktima ng bagyong Odette.



Pinuri man ng ibang Cebuanos, taliwas naman ang reaksyon ng karamihan sa mga netizens dahil nakikita nila ito bilang pag-uuna ni Garcia sa pansariling interes kaysa sa kapakanan ng kanyang nasasakupan.

Binansagan pa siyang “Gaslight, Gate-keep Girl Boss Governor Gwen Garcia” ng isang citizen.

Hindi man ibinunyag ang halaga ng gown, kinukuwestiyon pa rin ito ng mga tao lalo na at sikat na designer ang may gawa.

“Pila kahay bayad aning gown? Ang sikat man gyud gahimo. Personal ba kaha ni or public funds?” tanong ng isang netizen.

(Magkano kaya yung gown? Sikat kasi ang may gawa. Personal ba ito o galing sa public funds?)

Ayon sa iba, mas mabuti sana kung inilaan na lang ang perang ginastos sa engrandeng prayer dance para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Odette at sa patuloy na pagkalat ng bagong COVID variant na Omicron.

Ani nga ng isang netizen, “Kung tinud-anay jud kang nanerbisyo pwede ra jud na nmo gipalit ug bugas ug mga cin(atop), lansang ug plywood sa mga nawad-an ug mga balay... Mayrajud ta anis pasikat!”.

(Kung totoo ka talagang nagbibigay-serbisyo, sana ibinili mo na lang ito ng bigas, bubong, mga pako, at plywood para sa mga nawalan ng bahay…Magaling ka lang talaga sa pagpapasikat.)

Nagpahayag din ng samu’t-saring reaksyon ang ibang mga Filipino tungkol sa kontrobersyal na gobernadora.

“Praying that insensitive, selfish, and greedy people like her lose in the 2022 elections. Cebu, you deserve better!,” pahayag ng isang media personality.

“I think this is very insensitive of Gov to flash this gown amidst the aftermath of Odette to all Cebuanos. Yung iba kelan lang nagkakuryente, tas makakakita sila ng public official na ganito?,” ani naman ng isang comment sa facebook.

Mag-iisang buwan na ngayon, January 16, mula noong nanalasa ang bagyong Odette sa Cebu at mayroon pa ring mga lugar na walang kuryente, signal, at tubig. May ilang biktima na nananawagan pa rin ng tulong at ayuda.

Sasailalim naman ang buong Cebu sa Alert Level 3 simula ngayong araw sa kasagsagan ng pagdami ng kaso ng COVID-19.