Ni Monica Chloe Condrillon

PHOTO: Daily Tribune

Pinabulaanan ni presidential aspirant Bongbong Marcos ang mga paratang na nagsasabing duwag umano siya at nangatwirang hindi siya sumipot sa presidential interview ni Jessica Soho sa kadahilanang naniniwala siya na ito ay biased.

“Wala naman akong inaatrasan na kahit na ano eh, lahat ng ano (interview) tinatanggap ko, itong mga interview natin tinatanggap ko. Basta talaga ang ninanais ko lang ay pag-usapan natin ang issues of the day,” wika ni Marcos sa isang interview sa Sa Totoo Lang ng One PH.

“Lahat naman ay hinaharap ko, basta ang pag-uusapan natin ay kung ano ang inaalala at kung ano importante sa taong bayan. Hindi sa mga politiko, hindi sa mga partido, hindi sa mga kalaban, hindi sa kakampi. Huwag ng pulitika ang pinag-uusapan,” isa pa niyang pahayag.

Nasabi niyang batay sa naging karanasan ng mga Marcos ang kanyang desisyong huwag sumipot sa nasabing interview ni Soho dahil aniya, pagdating sa kanilang pamilya ay may bias talagang nagaganap.

Binigyang diin niya na ang kanyang depinisyon ng biased ay ang pagiging ‘anti-Marcos’ na tila nangangahulugang ang mga tumatalakay sa kontrobersyal na isyung iniwan ng kanyang diktador na ama ay biased na rin.

“Ganoon na naman magiging usapan. Wala nang silbi ‘yun’ hindi naman magbabago ‘yung opinyon ko. Talagang mukhang maliwanag hindi magbabago ang opinyon niya, so hindi namin mapapag-usapan ‘yung importante para sa akin na mapag-usapan, kung ano ang gagawin natin, anong program of government,” aniya.

Pinaniniwalaang ang usaping kanyang tinutukoy ay ang Martial Law sa gitna ng pamumuno ni Ferdinand Marcos Sr. kung saan may mga hinarap na kasong pangaabuso sa karapatang pantao at ang kaduda-dudang nakaw na yaman ng kanilang pamilya.

Gaya ng nabanggit niya, mga plataporma at plano kapag naging pangulo ang nais niyang pag-usapan na siya naman talagang paksa ng interview na isinagawa ni Soho.

“Hindi ko pa napanood, I have not seen it,” sagot naman ni Marcos nung tinanong kung ano ang kaniyang masasabi sa mga panayam ng ibang mga kandidato sa isinagawang interview ni Soho.


DISCLAIMER