Nang, ng, nganga: Ilan Score mo sa mga Random Quiz na ito?
Nina Geelyn Avanceña and Rinoa Dela Cruz
“Kain ka mo na,”
“Gusto ko nang mga prutas,”
Teka, parang may mali… Pansin mo ba? O nalilito ka?
Napapanahon ngayon ang mga “Grammar quizzes” sa Facebook. Ilan sa mga ito ay tungkol sa wastong paggamit ng mga salita, mga trivias, may mga pagkakaton din na pang ‘joke time’ lang.
Kung mababa ang nakuha mo, aba'y okay lang ‘yan dahil nandito kami bilang resbak mo. Kaya ano pang hinihintay mo? Basahin ang iba pang impormasyon sa artikulong ito para sa susunod na quiz, perfect na ang magiging score mo.
Nagsimula ang Grammar quizzes na ito noong January 5, 2022 sa pangunguna ni Trisha Encabo sa isang Facebook group na “Nang ng gang.” Ang pagsusulit na ito ay naglalayong sukatin ang kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa wastong paggamit ng ‘nang’ at ‘ng’ na siyang kinaaliwan ng mga netizens.
Ayon sa kanyang caption, “Sagutan nyo nga to, yabangan n'yo ko pag naka perfect kayo ha.” Ngunit nilinaw ni Encabo na hindi siya ang gumawa ng Google Forms na ito.
Dahil dito, marami nang naglilitawang quizzes sa nasabing Facebook group. Ilan sa mga ito ay ang “R&D Series” na tungkol sa tamang paggamit ng mga salitang ‘rin at din,’ ‘raw at daw,’ atbp. Ikinatuwa ito ng maraming netizens habang sinasagutan ito sa Facebook at binabahagi ang kanilang nakuhang iskor.
Narito ang iba’t-ibang uri ng pagsusulit o quizzes na ginawa ng mga netizens gamit ang Google Forms, maging ang kahulugan ng bawat salitang ginamit:
1. Ng At Nang Examination
Karaniwang ginagamit ang “nang” upang sagutin ang mga tanong na “Paano?”, “Kailan?”, at “Bakit?” at sinusundan nito ang mga pandiwa at pang-abay, habang ang “ng” ang sumusunod sa mga pangngalan at pang-uri, at ginagamit ito habang nagsasaad ng pagmamay-ari sa isang bagay.
Ang pagsusulit na ito ay naglalaman ng 25 tanong na may katumbas na dalawang (2) puntos bawat isa.
Link kung saan ito matatagpuan: https://bit.ly/3qVDg6T
2. R & D series (raw/daw, rin/din, ro’n/do’n, r’yan/d’yan)
Ang “rin, raw, roon, at riyan” ay ginagamit pagkatapos ng isang salitang nauna rito ay nagtatapos sa mga patinig (vowels) at malapatinig na w at y, habang ang “daw, din, doon, at diyan” ay para sa mga unang salita na nagtatapos sa katinig maliban sa mga letrang w at y, (consonant) -ri, -ra, -raw, o -ray.
Nahahati naman sa dalawang (2) bahagi ang pagsusulit na ito: Ang unang bahagi ay mayroong 10 ‘fill in the blanks’ na tanong na may dalawang puntos bawat isa. Ang “R or D?” naman ay isang multiple choice quiz kung saan ito ay patungkol sa pagtukoy kung alin sa mga nasabing letra ang gagamitin, depende sa kung ano ang tinutukoy ng pangungusap.
Link kung saan ito matatagpuan: https://bit.ly/336BzLo
3. Quiz for “mo na” & “muna”
“First” ang katumbas ng “muna” kung ito ay isasalin ang salitang Ingles. Ginagamit ito kung ang isang kilos ay uunahin. Ang “mo na” naman ay madalas ginagamit kung inuutusan mo ang isang tao na gawin ang isang bagay.
Mayroon din itong sampung tanong na may katumbas na dalawang puntos, kagaya ng R & D series na pagsusulit.
Link kung saan ito matatagpuan: https://bit.ly/3t9Lyum
4. Your and You’re Test
Gaya ng mga naunang quizzes, ito rin ay tungkol sa tamang paggamit ng mga salita, ngunit ito naman ay nakasulat sa wikang Ingles. 20 ang kabuuang puntos ng pagsusulit na ito.
Ang ‘your’ ay tumutukoy sa pagmamay-ari ng isang tao, o “possessive”, habang ang ‘you’re’ naman ay pinaikling salita mula sa katagang “you are”, o “ikaw ay”, kung ito ay isinalin sa wikang Filipino.
Link kung saan ito matatagpuan: https://bit.ly/3FZAbJ3
5. There, They’re, And Their
Isa ang quiz na ito sa mga pagsusulit na gumagamit ng wikang Ingles, ngunit mayroon lamang itong siyam (9) na tanong. Imbis na dalawang (2) puntos ito, apat (4) na puntos ang nakalaan para sa huling tanong dahil dalawa ang hinihinging sagot dito.
Ang ‘their’ ay sinasabi upang tukuyin ang pagmamay-ari ng ibang tao, habang ‘they are’ naman ang pinaikling bersyon ng ‘they’re’. Sa wikang Filipino, ito ay isinalin sa katagang ‘sila ay’. Ang ‘there’ ay karaniwang ginagamit sa pantukoy sa mga lugar.
Link kung saan ito matatagpuan: https://bit.ly/31y3HXE
Siyempre, hindi lamang quizzes tungkol sa gramatika ang handog namin sa iyo. Ayaw mo sa wikang Filipino at Ingles? Huwag mag-alala dahil narito ang dalawang quizzes mula sa iba’t ibang asignatura!
6. Random Science Questions
Ang pagsusulit naman na ito ay mayroon lamang isang (1) puntos na katumbas sa bawat 10 tanong na nasa Google Forms. Ang mga katanungan ay naglalaman ng mga multiple choice questions na may sari-saring sakop sa branches ng siyensiya, kagaya ng Biology, Earth and Space, atbp.
Link kung saan ito matatagpuan: https://bit.ly/3HziZuq
7. Basic Math Quiz
Hindi naman pangkaraniwan ang pagsusulit na ito, dahil ito ay isang ‘timed form’ — Tinatala ng Google Forms kung gaano katagal sinagutan ng user ang isang timed form. Sa pagsusulit na ito, walong (8) oras at tatlong (3) minuto ang nakalaan para sa mga tao upang masagutan ang mga math questions. Para rin ito sa mga estudyanteng nasa Junior High Level (Grade 7, 8, 9, at 10)
Nahahati sa apat (4) na bahagi ang pagsusulit: Addition, Subtraction, Multiplication, at Division. Bawat bahagi ay may katumbas na isang (1) puntos sa bawat 10 tanong. 40 puntos ang pinakamataas na puntos na pwedeng makuha sa pagsagot ng form na ito.
Mayroon din itong fingerprint section dahil ang form na ito ay inoorasan na hindi pwedeng galawin upang ma-record ang mga sagot ng bawat tao.
Link kung saan ito matatagpuan: https://bit.ly/3F3uEQy
Congratulations sa pag-abot mo sa parteng ito! Ilan lamang ang mga ito sa naging patok na pagsusulit sa netizens. Karamihan sa mga nagsagot nito ay nagsabing marami silang natutunan lalong-lalo na sa pagkakaiba ng mga salita, habang nag-eenjoy sa pagsagot ng mga nasabing pagsusulit kaya naman habang tumatagal, parami na nang parami ang mga gumagawa ng iba-ibang uri ng quiz na kanila namang pinapasa sa isang Facebook group na tinatawag na “Nang ng gang.”
Naunawaan mo ba ang pagkakaiba ng mga salitang ‘nang,’ ‘ng,’ ‘your,’ ‘you’re,’? E, ang random science at math questions? Oh di’ba sobrang dali lang? Sa tulong ng mga quizzes, at ng artikulong ito, mas mapapadali ang iyong pagsagot sa mga pagsusulit. Kaya sa susunod na makaka-encounter ka ng mga grammar quizzes, paniguradong perfect ka na!