Ni Daniel Enrico

PHOTO: Getty Images

“Alam niyo po ‘pag experience sa buhay ang pag-usapan, daig ko po ‘yan silang lahat, sa totoo lang.”

Ito ang iginiit ni Presidential candidate at Senator Manny Pacquiao matapos suriin ang kanyang karanasan sa pulitika noong Huwebes sa “Ikaw na ba? The Presidential Interview” ng GMA Network flagship AM Radio Station DZBB.

“Kasi, bawat araw na lumipas sa buhay ko, isang magandang alaala ang hindi ko makakalimutan kung paano ako nagtiis, naghirap, hindi sumuko sa mga pangarap at pagsubok sa buhay, naranasan ko po lahat ‘yan,” ani Pacquiao.

“‘Yung problema, paano i-manage ang kapiranggot na pera, paano mai-ahon sa kahirapan ang pamilya at kamag-anakan,” dagdag pa niya.

Kinuwestiyon din ang kandidato ukol sa kanyang husay pagdating sa ekonomiya at sa kanyang pagkakaiba sa ibang kandidato.

“Eh ang lahat naman ng programa nila magaganda para sa development sa ating bansa, pero ang nangyari pahirap tayo nang pahirap. ‘Yun po napupuno na po talaga ako sa tanong na iyan, kasi wala pa akong hangad para pansarili lamang, kundi pangkalahatan pa po,” tugon ng senador.

Iginiit din ng senador na hindi siya tatakbo sa pagka-presidente kung wala siyang sapat na kaalaman upang solusyunan ang mga problema ng bansa.

“Alam niyo, pinag-aralan ko po lahat ‘yan, kung ano ang problema ng ating bansa, pinag-aralan ko. Kaya nga sinasabi ko sa lahat na hindi ako tatakbo sa pagka pangulo kung kulang po ang aking kaalaman, kung hindi ko po alam ang problema ng ating bansa,” ani senador.

“Bakit ko ipapahiya ang sarili ko na tatakbo ako rito tapos matagal kong inalagaan ang pangalan ko, tapos tatakbo ako rito sa pagkapangulo na wala akong alam? Hindi po ako tumatakbo na wala akong alam, kundi alam ko po ang lahat ng problema,” karagdagan niyang ipinahayag.


Iniwasto ni Phylline Cristel Calubayan