Pingris hinirang na bagong PSL Commissioner
Ni Jea Elijan De Pablo
PHOTO: Balita Online |
Iniluklok si former national player at PBA superstar Marc Pingris bilang Commisioner ng bagong tatag na Philippine Super League (PSL) nitong Sabado.
Sa isang social media post, malugod na binati ng liga si Pingris, o mas kilala sa tawag na 'Pinoy Sakuragi', bilang bagong commissioner matapos ang ilang taon nitong pagsabak sa PBA at Gilas Pilipinas.
Ayon kay Pingris, malaki ang kaniyang pasasalamat sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanya ng naturang basketball league.
"I’m very thankful for this opportunity at sa tiwalang binigay sa'kin ng PSL. Asahan nila na gagawin namin ang lahat para sa liga na ‘to at para mapasaya ang mga fans at mga players.” ani pa ni Pingris.
Pumangatlo sa 2004 PBA Draft si Pingris bago umukit ng siyam na kampeonato sa PBA, patunay ng kaniyang pagkakabilang sa listahan ng 40 pinakamahusay na manlalaro sa bansa.
Matatandaang nagretiro ang dating PBA star matapos ang kanyang ika-17 taong karera sa PBA noong Mayo 2021.
Hindi naman natuloy ang napabalitang comeback ni Pingris para sa Nueva Ecija Rice Vanguards ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitationals nitong Disyembre 2021.
Nakatakdang magbukas ang PSL sa darating na Marso, kung saan inaasahang maging suwabe ang takbo ng liga sa kamay ni Pingris, lalo na't kahalili niya rito si dating Philippine Basketball League (PBL) Commissioner Chino Trinidad bilang league consultant.