Russell tuloy ang laban kay Magsayo sa kabila ng injury
By Nicole Mirasol Arceño
PHOTO: Boxingscene.com |
Inanunsiyo ni Gary Russell Jr. sa “The DAZN Boxing Show” nitong nakaraang Miyerkules ang kaniyang nararamdamang 'slight injury' na posibleng maging banta sa kanilang paghaharap ni Pinoy boxer na si Mark “Magnifico” Magsayo.
Ayon sa training camp ng American professional boxer, hindi gaanong kapulido ang isinasagawang paghahanda ni Russell kumpara sa mga nagdaang taon dulot ng kakulangan sa paggabay ng kaniyang amang kilala bilang kaniyang long-time trainer, dahil na rin sa ilang komplikasyong tinamo nito.
Aminado rin ang beterano na hindi niya maipalalasap ang buong bagsik at tikas sa pagtutuos nila ng pinoy boxer, ngunit naniniwala naman siyang sapat ang kaniyang determinasyon upang malampasan ang paparating nitong laban.
“I never go into any of my fights 100 percent, to be honest with you, I do have a little slight injury, but I prefer not to elaborate on it until after the fight,” ani Russell.
Sa kabila ng hindi magandang ensayo at iniindang injury, kumpyansang kumana pa rin ang WBC world featherweight champion para sa tangkang pagprotekta sa kaniyang titulo.
“We’re going to get through this fight, we’re still going to make things shake and then we’ll go ahead and put it out there after it’s all said and done,” dagdag pa ng Amerikano.
Samantala, sa nagdaang laban ng 33-anyos na si Russell noong Pebrero 2020, nagawa niyang distrongkahin ang Mongolia’s pride na si Tugstsogt Nyambayar sa bisa ng unanimous decision sa PPL Center sa Allentown, Pennsylvania.
Masasaksihan ang matinding bakbakan sa pagitan nina Russell at Magsayo sa Enero 23 kung saan susubukang bahiran ng American standout ang malinis na 28-0 rekord ni Magnifico.