‘ALL OF US ARE DEAD’ PH ADAPTATION? Zombie attack sa Bukidnon, physical assault lang — Valencia City Police
Ni Kier James Hernandez
TW: Blood, Physical Violence
Binugbog. Dinukot ang mata. Sinipsip ang dugo.
Ganito ang sinapit ng 30 anyos na lalaki sa Valencia City, Bukidnon matapos siyang atakihin ng 25-taong gulang na lalaki nitong Pebrero 17.
Bagamat tila ba hinango sa isang senaryo ng hit Netflix K-drama series na “All of Us Are Dead” ang nangyaring insidente, pinabulaanan ng Valencia City police ang balitang kumakalat na ito umano'y "zombie attack" at sinabing ito'y isa lamang kaso ng physical assault.
Kinilala ng imbestigador ng kaso na si Lt. Pablo Jugos Jr. ang biktima bilang Anthony Arimas na residente ng Brgy. Tungan-tungan. Napag-alaman naman na ang suspek ay nagngangalang Carl Clinton Colinas, mula sa Brgy. Saligan.
“During my interview with the victim, the suspect accordingly mauled him, pierced his eyes with his fingers, and sucked his blood,” ani Jugos.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang nakainom na suspek at ang biktima na kalive-in partner nito dahilan upang maging agresibo ang suspek.
Napag-alaman ding may kasaysayan din ang suspek ng pagkakasailalim sa rehabilitation program dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nakakulong na ang suspek sa custodial facility ng Valencia City police station at sinampahan na ng kaso sa city prosecutor's office.
Nasa maayos naman nang kondisyon ang biktima at patuloy pa ring ginagamot.
Samantala, hinimok din ng mga awtoridad ang publiko na tigilan na ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon sa social media upang maiwasan ang paghahasik ng panic sa publiko.
“The people must not worry as there was no zombie attack that happened in the city. We must be very careful in sharing information, especially on social media. The police will always provide intensive security to protect the residents,” sabi ni Jugos.
Iniwasto ni Maverick Joe Velasco