Azkals U-23, pumayag sa 2-2 draw kontra Timor Leste
Ni Sebastian Lei Garcia
Pumatag ang Philippine national football squad sa 2-2 tabla laban sa Timor Leste upang simulan ang kanilang AFF Under-23 Championship na ginanap sa Cambodia kahapon.
Binuhat ni Ivan Ouano ang Azkals matapos magsalpak ng brace sa 45’ at 65’ minute mark upang maitabla ang laban.
Sumandig din ang Azkals sa mala-pader na depensa ni goalkeeper Quincy Kammeraad upang pahirapan ang Timor Leste at pigilan itong mapalaki ang agwat.
"The fact that we went 1-0 down and 2-1 down, I think we showed great character to come back both times and get the draw," ani Young Azkals Coach Stewart Hall noong pots-match press conference.
Sa kabilang banda, umukit si Mouzinho Barreto de Lima ng unang puntos para sa Timor Leste sa loob ng pitong minuto, salamat sa kaniyang penalty kick, 1-0.
Makaraan ang halftime, uminit na agad muli ang laban matapos ang agresibong atake ng Timor Leste, isa dito ang pumasok mula kay defender Joao Soares na nagpaloob ng isang instep kick, 2-1.
Matatandaang ilang beses na nagharap ang Pilipinas at Timor Leste sa larangan ng football kung saan kanilang naipakita ang iba’t ibang paraan at klase ng paglalaro.
Samantala, maghaharap ang Philippine Football team at ang Cambodia, habang magkikipagtunggali naman ang Timor Leste kontra Brunei para sa slot sa ikalawang round.
Iniwasto ni Kyla Balatbat