Ni Xhiela Mie Cruz
PHOTO: Philippine News Agency/Bongbong Marcos (Facebook)

Iginiit ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang pagkakaisa umano ng mga Pilipino ang isa sa mga pangunahing layunin na nagtulak sa kanya upang tahakin ang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Sa proclamation rally ng BBM-Sara UniTeam, ipinagdiinan ni Marcos na pagkakaisa ng mga mamamayan ang solusyon upang makabangon sa pandemya pati na rin sa malawakang epekto nito.

Sa kabilang banda, hindi naman inilahad ni Marcos ang mga hakbang na gagawin nito sa oras na mahalal bilang bagong pangulo dahil sa pagbibigay ng buong atensyon nito sa pagkakaisa ng mga Pilipino.

Isinaad pa nito na ang kasaysayan umano ang isa sa mga nagpapatunay na kayang solusyunan ng pagkakaisa ang anumang hamon na dumating sa bansa.

“Kung pag-aaralan natin ang kasaysayan ng Pilipinas, lahat ng nangyari sa atin, lahat ng kahirapan na dumating, lahat ng sakuna na inabutan ng ating mahal na bansang Pilipinas, tayo ay nakaraos lamang dahil tayo'y nagkaisa. Hinarap natin lahat ng kahirapan, hinarap natin lahat ng sakuna, hinarap natin lahat ng krisis nang isang buong loob, isang Pilipinas na nagkakaisa, nagmamahalan, nagtutulungan,” saad ni Marcos.

“Noong una akong nagpahayag ng aking balak na ako ay tatakbo bilang pangulo ng Republika ng Pilipinas, sinabi ko na ako'y tatakbo dahil ang aking layunin, ang aking pangarap para sa ating bansa ay ipagkaisa muli ang sambayanang Pilipino,” dagdag pa ni Marcos.

Pinatunayan naman ni Marcos kasama ng kanyang ka-tandem na si Mayor Sara Duterte na hindi imposible na magkaisa ang mga Pilipino dahil sa pagkakampi ng mga ito na nagmula sa dalawang magkaibang rehiyon.

“Kaya naman po napakagandang halimbawa ang tambalan ng Marcos-Duterte dahil kung ang isang taga-Norte at isang taga-Mindanao na magkabilang dako ng Pilipinas ay kayang magsama at magkaisa, sa aking palagay kaya nating ipagkaisa ang buong Pilipinas,” aniya.

“Mula noong una naming pahayag ang aming balak ni Inday Sara na tumakbo bilang presidente at bise presidente, kami ay umiikot sa buong Pilipinas at aming sinisigaw at aming binabalita sa aming mga kababayan ang mensahe ng pagkakaisa,” saad pa ni Marcos.

Ayon pa rito, hindi umano niya papansinin ang mga hindi naniniwala at bumabatikos sa kanya at mas pagtutuunan ang mga pagbibigay ng disenteng buhay at serbisyo sa mga mamamayang Pilipino.

"Hindi naman tayo palaaway, hindi naman tayo naghahanap ng gulo. Ang hanap lang natin ay magkaroon ng disenteng buhay para sa ating sarili, para sa ating pamilya, para sa ating bansa. At sa pag-iikot natin ay nakita natin na mainit ang pagtanggap ng taumbayan sa mensahe ng pagkakaisa," dagdag pa ni Marcos.

Sa bandang huli, iminungkahi ni Marcos na ipagpapatuloy niya ang kanyang mga nasimulan upang mapagkaisa ang buong bansa.

"Ipagpatuloy natin itong kilusan na sinimulan, ipagpatuloy nating ipagbuklod-buklod ang ating mga kababayan para sa ikabubuti ng ating kababayan at para sa mga naghihirap at nanghihingi ng tulong sa ating lahat," paliwanag niya.

“Lahat sa atin na dumaan ng pandemya ay nakasubok ng kahirapan, walang Pilipino na hindi nangangailangan ng tulong. Kaya dapat na tayo ay magkaisa," hirit pa ni Marcos.


Iwinasto ni Maverick Joe Velasco