Ni Roland Andam
PHOTO: Rappler/Shutterstock/Daily Tribune

Nanindigan si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala umano silang troll farm na kinakasangkapan sa kanilang kampanya para sa nalalapit na Halalan 2022.

Hamon niya sa mga nagsasabing may troll army sila, hanapan siya ng kahit isang troll lang para mapatunayang totoo ang kanilang mga paratang.

“Find me one. Hanapan mo ako kahit isa,” giit ni Bongbong sa isang panayam kay Korina Sanchez na ipinalabas kahapon ng gabi, Sabado.

Itinanggi rin ng anak ng dating diktador Ferdinand Marcos ang kaugnayan ng mga Marcos sa laganap ngayon sa social media na historical revisionism ukol sa naging pamumuno ng kanyang ama. 

"Show me. Show me where is the revisionism," saad niya. 

Di-umano'y “propaganda” lamang ito laban sa pamilyang Marcos, sabay sabing anumang nasabi ng kanilang pamilya patungkol sa panahon ng panunungkulan ni Marcos Sr. ay nangyaring tunay. 

"Alam namin na propaganda 'yan, kung minsan mayroon din kayong sinasabi na makapanglaban lang sa propaganda kung ba talaga ano ang nangyayari," pahayag ni Bongbong. 

"Anything that we have said we can prove that this actually happened... Lagi kong tinatapos: wag lang kayong makikiig sa akin dahil anak ako ni Marcos eh, para sa akin maganda yung ginawa niya. Mag-aral kayo, tingnan ninyo, magbasa kayo ng libro para you come to your own opinion," dagdag pa niya.

BBM wala raw troll farm? (2)

Hindi ito ang unang pagkakataon na itinanggi ni Marcos Jr. ang mga alegasyong may pagmamay-ari umano silang social media troll farm. 

Sa isang panayam sa One PH noong Enero, pinabulaanan ni Bongbong ang akusasyon ni National Economic and Development Authority chief Ernesto Pernia na kaya umano nangunguna si Marcos Jr. sa mga presidential polls ay dahil sa naglalakihang troll farms nito.

“I challenged them to show me where my troll farms are. I challenged them to show me where I boosted. Tell them to show me where I bought ads. I have never had a troll farm. I have never had a click army. I challenge them to show me where is my troll farm,” saad ni Marcos.

Bukod dito, ipinagkaila rin ni Bongbong na kampo nila ang nasa likod sa sinuspinde ng Twitter na nasa 300 “Marcos accounts” dahil umano sa paglabag ng mga ito sa ilang rules ng social media platform tulad ng sa “manipulation and spam”.

“These are just friends and supporters who are trying to help and expressing their opinion. [H]indi namin palakad ‘yan, ‘yung ginagawa nila," giit niya.

Samantala, ayon sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), wala ngang naitalang ad spending sa Facebook si Bongbong Marcos mula Agosto 4, 2020 hanggang sa katapusan ng nakaraang taon, Disyembre 31, 2021. 


Sa kabila nito, naniniwala naman si Jonathan Ong, associate professor sa University of Massachusetts Amherst, na hindi na nakapagtataka ang zero spending ni Bongbong sa Facebook campaign ads, dahil mas pinagtutuunang-pansin umano niya ang “meme wars.” 

“It’s not that BBM is not spending on political advertising; their campaign is strategically investing in influencer marketing and community mobilization which appear more organic and authentic,” giit niya.

“My own digital ethnography of pro-BBM accounts… reveals that they have never stopped pushing the ‘Marcos era as golden age’ narrative and at the same time continued to attack [those] whom they call the ‘pinklawans," punto pa ni Ong.

Nito namang nagdaang linggo, isang fact-check group ang nagpahayag na tumitindi ang paglaganap sa kasalukuyan ng disinformation propaganda lalo pa't papalapit na ang eleksyon.

Anila, si Bongbong Marcos ang pinaka-nakikinabang mula sa nasabing disinformation propaganda, samantalang si Vice President Leni Robredo naman ang pangunahing dehado mula rito. 

“There is a preponderance of negative messages against Leni and positive ones for Marcos,” pahayag ni UP journalism professor Yvonne Chua noong Pebrero 2 sa isang Senate hearing.

“We see a substantial and significant volume of false or misleading claims about presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. in which case, these are largely positive or in his favor seeking to promote him.”