Bolden ipinasok ang golden shot patungong World Cup; Malditas lusot sa semis
Ni Paul Lerrom Conducto
‘Bolden’ shot!
Ginulantang ng Philippine women's football team ang sambayanan nang maipasok ni Sarina Bolden ang huling penalty kick upang paluhurin ang Chinese Taipei, 1-1(4-3), at iluklok ang Malditas patungong FIFA Women's World Cup sa kauna-unahang pagkakataon sa 2022 AFC Women's Asia Cup quarterfinals nitong Lunes sa Pune, India.
Nakasalalay na lamang kay Bolden ang last goal para sa Malditas kaya’t ipinasok niya ang solidong spot-kick na sumilat sa Taiwan at nagsukli sa ginawang pagligtas ni goalkeeper Olivia McDaniel gamit ang two-consecutive block at isang shoot.
Bukod sa sigurado na ang tiket ng Philippines sa 2023 World Cup na gaganapin sa Australia at New Zealand, aabante sila sa semis Final Four kasama ang Japan, China at South Korea na siyang magtatapat-tapat para sa trono sa finals.
Kapwa hindi umalagwa ang parehong panig sa first half, ngunit sa pagbubukas ng 2nd half ay ipinamalas ni Quinley Quezada ang close-range kick sa 49-minute mark upang ibigay ang unang goal sa Pinas, 1-0.
Nagpatuloy sa opensa ang mga Pinay hanngang gimbalin sila ni Zhuong Li-Ping matapos magsulot ng equalizer goal sa 83’ mark.
Hindi naging sapat ang 90-minute match, maging ang 30-minute, sa parehong koponan dahilan upang umabot ang laban sa penalty shootout.
Sinimulan nina Wang Hsiang-Huei at Ting Chi ang spot kicks ng Taipei habang sumagot naman sina Sara Castañeda at Tahnai Annis upang ibawi ang Malditas, ngunit nagmintis si Jessica Miclat na nagpaudlot sa goal flow ng Pinas, 2-3.
Ngunit kalmadong pinigilan ni McDaniel ang sana'y winning kick ng Chinese Taipei mula kay Su Sin-Hsin kasunod ng pagpasok ng kaniyang goal upang ibangon ang Malditas sa shootout, 3-3.
Extended ang penalty shootout at matibay na napigilan ng body block ni McDaniel ang bottom right corner shot ni Zhuo para hadlangan ang pag-alagwa ng Taipei at magbigay daan sa isang do-or-die shot sa Malditas.
Hindi na pinagbigyan pa ng midfielder na si Bolden ang kalaban nang tirahin papasok sa ibabaw ng braso ng goal keeper na si Cheng Ssu-Yu ang bola para tuldukan sa 4-3 iskor ang laban at ipasok ang tiket papuntang semi-finals.
Gamit ang kanilang miracle run, tatangkain ng Malditas na pabagsakin ang powerhouse South Korea sa darating na semis match sa Huwebes.
Iniwasto ni Kyla Balatbat