BUMALIK NANG MAS MALAKAS: NXPE ginulpi ang Onic PH, sinikwat ang unang panalo

By Roselle Estrada

PHOTO: Tiebreaker Times

Kongkretong plano ang pinakawalan ng NXPE upang durugin ang kinatatakutang Onic PH, 2-0, na naging daan upang makuha nila ang unang panalo sa 2022 MLBB Professional League ngayong Linggo, Pebrero 20.

Naging posible para sa NXPE na maitumba ang Onic PH sa tulong ng magagandang taktika at estratehiya na nagpalamang sa kanila sa laban, matapos ang pagkatalo kahapon sa RSG.

Lumamang pang sa unang sagupaan ang Onic PH bago habulin ng kabilang koponan sa tulong ni Michael "MP the King" Endino, game MVP na nakapagtala ng 6/1/4 KDA.

Biglang sumusulpot sa kawalan si 'MP the King' upang sarguhin ang mga bataan sa Onic PH, kung saan napuruhan si Allen "Baloyskie" Baloy sa 0/6/0 KDA. Nakapagtala naman si Gerald “Dlarskie” Trinchera ng Onic PH ng 4/4/1 KDA.

Sa ikalawang pagtutuos, solidong taktika ang binitawan ni Rainiel “URESHIII” Logronio matapos humiwalay sa grupo upang tirahin ang inner turret sa bottom lane.

Pinawalan din nila ang magandang tambalan ng heroes na sina Hilda ni Kenneth "Cadenza" Castro at Mathilda ni Jeniel “YellyHaze” Bata-anon na naging daan upang pigilan ang paglakas ng kabilang koponan.

Walang bumagsak ni isa sa mga tore ng NXPE sa sumunod na laban, kung saan naging MVP si Cadenza na nagbahagi ng 66.67% kill participation sa kabila ng 0/1/2 KDA.

Ayon kay MP the King, naging preparasyon nila ang pag-aaral sa laro ng Onic PH upang mabigyan ng magandang laro ang kanilang fans.

Sa Biyernes nakatakdang magharap ang NXP Evos ang Blacklist International.


Iniwasto ni Kyla Balatbat
Previous Post Next Post