Ni Cyrus Jacinto

PHOTO: AP

Muling nag-init ang mga kamay ni Stephen Curry nang magpakawala ng 16 three-point shots upang imaneho ang Team LeBron kontra sa Team Durant, 163-160 sa NBA All-star Game nitong Lunes (PhST time), sa Rocket Mortgage Fieldhouse.

Sumandal ang Team LeBron kay Curry na rumagasa ng 50 points, five rebounds at two assists, sapat para tanghaling All-Star MVP at basagin ang pinakamaraming tres na naipukol sa kasaysayan ng naturang exhibition match.

"I'm very humbled, very blessed and I really appreciate it," pahayag ng 33 year-old player na si Curry matapos ang laban.

Bago pa man maubos ang nalalabing oras sa fourth quarter, sinalpak na ni four-time MVP LeBron James ang panapos na turnaround jumper upang maabot ang target score na 163 sa nasabing bakbakan.

Kasamang rumesbak sa Team LeBron si 'The Greek Freak' Giannis Antetokounmpo na humirit ng 30 puntos, katuwang ni James na umararo ng 24 points selyado ng panapos na game-winning shot. 

Matapos maging walo ang lamang ng Team Durant sa pagsisimula ng second half, nag-init sina Antetokounmpo at ang Akron native na si Curry matapos unti-unting habulin ang lamang mula sa kumakaripas na Team Durant.

Dito na nagsimulang magpaumulan ng tres si Curry hanggang sa gibain ang three-point record ni Paul George, na kumana ng 10 tres, noong 2016.

"Steph, I mean, come on, man. This guy is from a different planet," ani LeBron James.

Sa likod ng hindi makitang-anino ng Nets’ pride na si Kevin Durant, binitbit ng 7-foot Center na si Joel Embiid, at ni Devin Booker ang kanilang line-up matapos magmarka ng 36 at 20 markers, magkakasunod.

Inilatag ng nasabing panalo ang ikalimang sunod na dominasyon ng Team LeBron sa mga nagdaang All-Star Games mula nang ilunsad ang bago nitong edisyon.

Ayon naman sa eight-time NBA All-star player na si Curry, parte ng kaniyang nalikom na pera sa nakaraang laban ay magsisilbing donasyon para sa Cleveland Metro School District.

Bukod sa pagdaraos ng ika-71 taon ng All-star Game, sa araw ding ito binigyang-pugay ang Top 75 Players of All Time ng NBA bilang pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo ng asosasyon.


Iniwasto ni Kyla Balatbat