Ni Patricia Culob

PHOTO: CNN Philippines

Isinasaalang-alang na ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng nationwide monthly COVID-19 vaccination drives upang maabot ang target na bilang ng mga nabakunahan sa bansa.

Sa isang press briefing, ibinahagi ni health undersecretary Myrna Cabotaje na maaaring ituon muna sa iilang priority groups tulad ng senior citizens at immunocompromised ang nationwide vaccination drive.

Ayon kay Cabotaje, nasa 2.5 milyong senior citizens at higit 220,000 persons with comorbidities ang hindi pa nababakunahan.

"Oo, iniisip natin ‘yong iba’t ibang strategies baka kaya kahit gawin natin buwan buwan, specific areas siguro o kaya specific targets," pagkumpira nito matapos tanungin ukol sa pagkakaroon ng monthly national vaccination drives.

Dagdag pa niya, plano rin umano ng DOH na mas palapitin ang vaccination sites sa mga senior citizens upang mas mapadali sa kanila ang mabakunahan.

Para naman sa priority group ng mga immunocompromised, makikipagtulungan umano ang kagawaran sa iba't ibang ospital patungkol dito.

Bukod pa ang mga pinaplanong aksyong ito ng DOH sa kasalukuyang pagbabahay-bahay ng health workers upang malaman kung sino ang bakunado na at hindi pa.

Ayon sa kasalukuyang tala ng DOH, nasa 61.4 milyong Filipino ang fully vaccinated na habang siyam na milyon naman ang nakatanggap na ng kanilang booster dose.


Iniwasto ni Kriztelle Sitoy