Ni Zamantha Pacariem

PHOTO: WikiMedia Commons

“Sa panahon ng mga pula, 21 years. Ang mga dilaw at pink — straightforward lang tayo — 18 taon nila in total. 21+18? 39 years... Kung pagod na kayo sa kanilang dalawa, nandito po ako. Maiba naman.”

Iyon ang panawagan ni presidential aspirant Isko Moreno Domagoso sa mga botante sa kanyang proclamation rally nitong Martes, ika-8 ng Pebrero, sa Manila. 

”Binigyan natin sila ng pagkakataon. Ang tanong: After 39 years, kumusta po kayo? Tutal nagbakasakali na kayo ng 39 years eh. Ano ba naman ang magbakasakali kayo sa akin ng 6 years?” aniya. 

Ayon sa kanya, ang layunin lamang nina Vice-President Leni Robredo at presidential aspirant Bongbong Marcos ay ang gantihan ang isa’t isa, kung kaya’t talagang nararapat na siya ang suportahan ng mga tao.

Dagdag pa niya, wala umano siyang masamang intensyon at nagsasabi lamang siya ng pawang na katotohanan.

Ngunit, sinabi naman niya na hindi siya ang dapat humusga kung hindi ay ang taong bayan kaya hindi na lamang niya ito gagawin.

“Kayo na ang humusga. Hindi naman ito tungkol sa amin, kundi tungkol ito sa inyo . . . Kapag ako ang nanalo, bahay, kabuhayan, kalusugan, trabaho, kapanatagan at pantay-pantay na Pilipino sa buong bansa. ’Yun ang singilin niyo sa akin” pahayag nito.

Samantala, kasama ang kanyang running mate at senatorial line up, ipinangako ni Moreno na sosolusyunan nito ang mga problema sa pabahay, kalusugan, at edukasyon.  


Iniwasto ni Ricci Cassandra Lim