Ni Ryann Yap
PHOTO: NBA.com

Sa kabila ng dikdikang laban, natumbok ng Washington Wizards ang pormula upang malambat ang Brooklyn Nets at sungkitin ang tagumpay. 

Binalandra ni Kyle Kuzma ang unang triple-double output ng kanyang karera, kasangga ang season-high performance ni Raul Neto, para maipuslit ng Wizards ang 113-112 panalo kontra Nets, na hinarap ang kanilang ika-10 sunod na pagkabigo sa Capital One Arena, Washington DC, kahapon.

Nagpakawala si Kuzma ng 15 puntos, 13 rebounds, at 10 assists, na agad na sinuportahan ng season-high 21 points ni Neto upang mapangalagaan ng Wizards ang kalamangan hanggang sa huling buzzer.

“Just trying to make the right play, when someone is open, just making the right basketball play, try to make it every time down the floor, and it helps us generate good offense,” wika ni Kuzma matapos ang laro.

Nagsimulang dumistansya ang iskor ng Wizards matapos ang isang 10-0 run sa nalalabing dalawang minuto ng third quarter, salamat kay Kuzma na may dalawang assists na humantong sa dalawang tres at isang reverse lay-up, para bigyan ng komportableng abante sa kanyang koponan, 86-78.

Napamaga pa ng Wizards ang kalamangan sa trese, 100-87, mula sa tres ni Thomas Bryant sa sulok sa ganap na ika-7:27 marka at mas lumayo pa sa Nets.

Samantala, kumayod naman ng 20-9 run ang Nets, kabilang ang isang krusyal na 4-point-play ni Cam Thomas sa nalalabing 1:06 minuto ng laban upang ibaba sa dalawa ang abante ng Wizards, 109-107.

Sinubukan ding makaraos ng Nets matapos nilang maka-puwersa ng fouls upang mapigilan ang oras, ngunit hindi nagmintis sila Neto at Kentavious Caldwell-Pope ng kahit isang free throw hanggang sa natitirang 6.3 segundo ng laro, 113-112.

Nagkaroon pa ng huling tsansa ang Brooklyn upang humirit ng overtime, pero kinapos ang binitawang tres ni Thomas na sumakto sa kamay ni Griffin at naka-iskor pa ng dalawang puntos bago humudyat ang buzzer.

Naglista para sa Nets si Irving na may 31 puntos kabilang ang six assists, katuwang pa ang 27 puntos na tala ni Cam Thomas, samantalang pumukol din ng 15 si Blake Griffin, ngunit hindi ito naging sapat upang mawakasan ng Nets ang kanilang mahabang lose streak.

Inaasahang maging kaabang-abang ang mga laro ng Wizards sa pagdating ng dating sentro ng Dallas Mavericks na si Kristaps Porzingis, gayundin ang kontrobersyal na trade ng Nets sa superstar na si James Harden sa Philadelphia 76ers kapalit si Ben Simmons.


Iniwasto ni Kyla Balatbat