Ni Nicole Mirasol Arceño

PHOTO: My Telegraph

Nagpamalas ng kakaibang opensiba ang Los Angeles Lakers, kaakibat ng pag-arangkada ni Lebron James sa kanyang triple-double performance upang lusutan ang New York Knicks, 122-115, nitong Linggo (Manila time).


Umahon mula sa 21-point hole at sa kaniyang iniindang injury si 37-years old James nang buhatin ang Lakers gamit ang 29 points, 13 rebounds, at 10 assists para selyuhan ang kanilang comeback.

Bumida rin si Anthony Davis na nagpasabog ng 28 puntos, 17 rebounds, at 3 assist, habang ikinamada ni Malik Monk ang 18 sa kaniyang 29 puntos sa third quarter na siyang nagbalik sa Lakers sa laro.

“Feels good to be out there with my teammates, trying to put guys in position both offensively and defensively and giving what I’ve got,” saad ni James, na nawala ng limang laro dulot ng knee soreness.

Inangkin ng Knicks ang buong first half, 71-56, kung saan kinawawa nila ang noo'y wala sa hulog na Lakers, subalit bumulusok sa 13 points ang buong koponan pagsapit ng third quarter.

Agad na kumilos ang tambalang James-Davis sa third canto upang baliktarin ang laro kung saan pareho nilang sinuportahan ang sunod-sunod na tres na pinakawalan ni Monk sa kabuuang 18 puntos.

Patuloy namang humabol ang Knicks matapos i-tira ang pamatay-sunog na tres ni RJ Barrett na siyang bumuhay sa koponan patungong overtime.

Determinadong maangkin ng Lakers ang tagumpay kaya't agad nitong tinangay ang OT gamit ang 11-4 run upang angkinin ang laban sa Knicks.

Kinayod ni Barrett ang Knicks tangan ang career-high 36 puntos, 8 rebounds at 3 assists, habang sumikwat si Julius Randle ng 32 puntos at 16 rebounds, bagaman sumadsad ang New York squad sa 24-29 kartada.

Sa kabilang banda, hindi nabigo ang Miami Heat na painitin ang buong Spectrum Center matapos paglaruan ng tropa ni Jimmy Butler ang Charlotte Hornets, 104-86.


Hindi nagpapigil si Butler sa pagpapaulan ng maiinit na tres sabay sa pagpukol ng inside shots upang magsalansan ng 27 puntos kalakip ang six rebounds at four assists.

Pareho namang nagpakitang-gilas sina Bam Adebayo na kumana ng 20 markers, 12 rebounds, at 3 assists, at Kyle Lowry na kumamada ng siyam na puntos, dalawang rebounds, at six dimes. 

Maagang lumamang ang Hornets sa ikalawang quarter kung saan bumida ang sabwatan nina Terry Rozier at Mason Plumlee sa pinagsamang 22 puntos, 16 rebounds at dalawang assists, para sana simulan ang pag-aaklas ng koponan.

Ngunit agad na nakita ng Heat ang tangkang pag-angat ng Charlotte kaya't kumilos ang tambalang Butler at Alebayo upang dikdikin ang walang kalaban-labang Hornets at ipalasap ang 35-8 score sa third quarter.

TIP INS:

Sinabayan ng paghataw ni Ja Morant na kumamada ng 33 boards, 5 rebounds, at 7 assists ang birada ng Memphis Grizzlies kontra Orlando Magic gamit ang 135-115 panalo sa Amway Center.


Pinangunahan naman ni Phoenix Suns center Deandre Ayton ang pamamayagpag ng koponan matapos tambakan ang Washington Wizards sa mismong Capital One Arena, 95-80.


Gamit din ang mautak na tactics at maayos na koordinasyon, limang tropa ng Sacramento Kings ang tumipa ng double-figures upang pagharian ang Golden 1 Center at sakluban ang Oklahoma City Thunder sa 113-103 panalo.


Tinimon naman ni Bobby Portis ang Milwaukee Bucks matapos tumikada ng 30 markers, four rebounds at five assists para itarak ang 137-108 panalo kontra Portland Trail Blazers.