Ni Lynxter Gybriel Leaño

PHOTO: UPDATE PH (2016 Debate)

Diretsahang ipinahayag ng abogado ni dating Senador Bongbong Marcos na hindi siya sasali sa mga debate, forum o interbyu kapag ang layunin lamang nito ay papag-awayin ang lahat ng kandidato.



Ayon kay Atty. Vic Rodriguez sa kanyang panayam sa ANC, susuriin muna umano nila ang magiging pormat ng anumang interbyu upang matukoy nila kung angkop na sasali si Marcos.

"Pagod na ang sambayanang Pilipino sa bangayan. Pagod na ang tao sa awayan. Ngayon kung tayo ay maglalagay lang ng forum para mag-enjoy at makitang nag-aaway si 1, 2, 3, 4, 5 candidates, hindi kami sasali diyan. Dahil alam namin ang gustong marinig ng taumbayan ay solusyon dito sa problemang ating kinahaharap," pahayag pa ni Rodriguez.

Ikinumpara pa niya ang posisyon ng pangulo sa mga “job application” kung saan kapag mag-aaply ang isang tao, dapat hindi sila magdedebate sa interbyu kundi hayaan silang ilatag ang mga solusyon o kagustuhan para sa kapakanan ng sambayanan.



"To my mind, sinasabi niyo sila ay mga applicant for the highest position in the land, president. Hindi ba kapag naga-apply ka diyan sa inyong istasyon, hindi ka naman para makapag-debate sa management kundi magpapa-interview ka. It should be a presidential interview other than a debate," saad pa ng abogado.

Ngunit, idiniin naman ni Rodriguez na ang pagtanggi sa mga forum ay hindi paraan upang maiwasan ang mga platapormang ito, kundi gusto lamang nilang makasali sa diskusyong sumesentro sa pagreresolba ng mga problema sa Pilipinas nang walang bangayang mangyayari.

"Hindi ka naman makikipagtalo sa magiging mga amo mo. Magpapa-interview ka, and let your bosses or management choose among the best, and let them decide," sabi pa niya.

Matatandaang hindi sumali si Marcos sa presidential interview na pinangunahan ni Jessica Soho at tinuringan pang “biased” ang beteranong mamamahayag dahil “anti-Marcos” umano siya.


Iniwasto ni Niko Rosales