Ni Xhiela Mie Cruz
PHOTO: Hindustan Times

Naalarma ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) nang malamang inabot ng 166 na trak ng basurang medikal ang nalikom sa loob ng isang araw ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones.

Aniya, ang pagsusuot ng face mask na ipinag-utos ng gobyerno dahil sa banta ng Covid-19 ang isa sa mga naging malaking rason ng pagtaas ng bilang nito.

“Nabigla rin tayo dahil nung minandatory natin ‘yung paggamit ng face mask, talagang dumami ‘yung mga COVID-related waste natin… Sa ngayon, ang taya ng ating Environmental Management Bureau, mayroon tayong 1,000 metriko toneladang healthcare waste kada araw ang kinokolekta natin. So, napakarami niyan,” pahayag ni Leones sa pagpupulong sa Laging Handa.

“So, ibig sabihin niyan, kung six-tonner ‘yung ating truck, 166 na truck ang lumalabas kada araw para kolektahin itong mga waste na ‘to,”
paliwanag pa ng kalihim.

Siniguro naman ni Leones na nakikipag-usap na umano sila sa mga local government units (LGUs) lalo na sa mga barangay upang masiguro ang agarang pangongolekta ng tone-toneladang basura.

“So, kinakailangan natin strict implementation natin ng Solid Waste Management Act, ‘yung segregation and collection,” pagbibigay-diin ni Leones.

Paliwanag pa niya, nagsisimula ang pangongolekta ng mga ito sa mga barangay bago ito pansamantalang ililipat sa transfer station saka naman ito kukuhanin ng municipal government upang dalhin sa treatment facility bago ito mapunta sa final disposal site na maaaring landfill o storage area sa mga treatment facilities.

“Ang ginagawa natin ang barangay sila ‘yung kumukolekta at nilalagay muna ‘yan sa temporary transfer station at du’n kinukuha ng ating munisipyo ‘yung mga healthcare waste na ito para dalhin sa treatment facility para i-treat bago siya dalhin sa final disposal site natin, either du’n sa landfill or du’n sa treatment facility na mayroon din silang mga storage facility du’n,” sabi ni Leones.

Dagdag pa rito, matatandaang may pitong bata nitong Enero na napabalitang nagpositibo sa sa ‘rapid antigen test’ matapos paglaruan ang mga basurang medikal sa Catanduanes. 

Binalaan naman ng Department of Health (DOH) ang mga ospital at LGU na asikasuhing mabuti ang kanilang mga basura dahil hindi umano nila bibigyang-konsiderasyon ang mga “irresponsible behavior” ng mga ito lalo’t maaaring magdulot ito ng kapahamakan sa mga mamamayan.


Iniwasto ni Maverick Joe Velasco