Ni John Emmanuell P. Ramirez

PHOTO: CNN Philippines/Forbes

Pumalag ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa analisis ng Capital Economics ng United Kingdom na hindi raw aahon ang ekonomiya ng bansa mula sa pandemya kung sakaling ang anak ng dating diktador ang uupo bilang pangulo. 

Sa isang report, ipinaliwanag ng Emerging Asia economist ng grupo na si Alex Holmes na hindi nakaeengganyo ang plano ni Marcos na siguruhin ang economic recovery ng Pilipinas at ang epektibong piskal na polisiya para sa lokal na business sector.

“Ferdinand Marcos Jr., son of the late dictator, is currently over 20%-points ahead in the polls and is the strong favourite. If he is elected, it would only reinforce our view that the economy will continue to underperform over the coming years,” saad ni Holmes.

Nabanggit din ng ekonomista na tuloy-tuloy lang ang ‘palasak na pamamahala, pagsasabotahe sa mga institusyon, kawalan ng karanasan sa policy-making, korapsyon, at nepotismo’ sa bansa, na mga dahilan kung bakit pabagsak ang ekonomiya sa nagdaang mga dekada. 

“Presidential candidates in the Philippines do not tend to run on detailed policy platforms, and Marcos is no exception,” wika ng kinatawan ng Capital Economics, sabay ng babala sa mga posibleng resulta ng pagkapanalo ni Marcos, na ngayo’y nangunguna sa mga sarbey.

“It is unlikely the situation will improve under Mr. Marcos and could easily get worse,” dagdag pa niya.

“Magkaisa” para sa Ekonomiya

Bunsod nito, pinabulaanan naman ng kampo ni Marcos ang naturang analisis ng Capital Economics, at sinabing nakalulungkot para sa ekonomista na i-“assume” na hindi aahon ang ekonomiya sa pag-upo ng kanilang presidential bet.

Pahayag ng abogadong tagapagsalita ng kampo na si Vic Rodriguez, nagkulang lamang ang analist sa pagkokolekta ng “lahat” ng mga detalye sa economic agenda ng UniTeam—ang alyansa nina Marcos at kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

“National unity is the crucial first step towards economic recovery. Without that very key ingredient, not much can be done,” giit ni Rodriguez.

Banat pa ng tagapagsalita, naka-summarize na sa tulong ng mga simpleng terminolohiya ang kanilang plataporma, para madali raw maintindihan ng mamamayang Pilipino, kung saan isa rito ang pagpapatuloy ng “Build, Build, Build” program ng kasalukuyang administrasyon.

“We should create a more conducive business climate, there should be certainty and adherence of government to long-term contracts with the private sector so we may attract more investors to place their capital in Public-Private Partnership programs, again it would mean more job opportunities for Filipinos,” dagdag ni Rodriguez.

Nilinaw rin ng kampo na mayroon na rin silang nakalatag na ‘blueprint’ para sa industriya sa agrikultura at teknolohiya.

“The UniTeam has many more in store to ensure economic recovery, like strengthening the small and medium scale enterprises, during and beyond the pandemic, and these plans, deemed doable and realizable, only because they are anchored in national unity,” aniya.

Pahabol ng Ekonomista

Kung tutuusin, hindi lang economic agenda ang binigyan ng kritisismo ng Capital Economics Emerging Asia, nang sabihin ng kanilang kinatawan na, “What we do know about him is far from encouraging.”

Nabanggit ni Holmes na kasalukuyang kinahaharap ngayon ni Marcos ang petisyong diskwalipikasyon dulot ng mga tax evasion cases na pinanagutan niya noon.

Ayon pa sa kaniya, “He has no legislative achievements to show for his six years in the Senate, where he was criticized for involvement in a massive corruption scandal.”

Matatandaang ibinasura na ng Commission on Elections (COMELEC) ang isa sa mga petisyon ng diskwalipikasyon laban kay Marcos, nang kanilang idiniin na hindi maaaring iaplika sa kanyang tax violations ang parusang DQ, sapagkat naganap ito bago pa maging epektibo ang Presidential Decree 1994 noong Enero 1986.

Sa kasalukuyan, nangunguna naman si Marcos sa mga sarbey ng Pulse Asia Research Inc. noong Enero 18 hanggang 24, na nakakamit ng 60 bahagdan ng mga boto, habang pumangalawa naman si Pangalawang Pangulong Maria Leonor “Leni” Robredo, na may 16 na bahagdan.

Kung tutuusin, si Robredo naman ang napupusuan at inendorso ng mahigit 100 ekonomista at limang dating mga direktor-heneral ng National Economic and Development Authority (NEDA) bilang pangulo.

“At this time when our country is struggling to recover from its deepest economic crisis since the 1980s, we believe that the government's role has never been more indispensable,” wika ng grupong Economists for Leni.

Kaugnay nito, umabot sa 7.7 bahagdan ang naitalang economic growth ng Pilipinas noong 4th quarter ng 2021, na itinuturing na pagbilis sa pag-unlad, matapos ang record-low data ng naturang taon.


Iniwasto ni Kyla Balatbat