Pagsama ng 'hijab' sa uniporme ng mga babaeng PGC personnel, kasado na
Ni Lynxter Gybriel L. Leaño
PHOTO: Philippine Coast Guard |
Aprubado na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagsusuot ng hijab kasama ang uniporme para sa kanilang mga personnel na babaeng Muslim simula Enero 25.
Ayon sa pahayag ng PCG, maaari nila itong suotin kapag sa formation at outdoor activities habang opsyonal naman kapag indoor activities.
Kinakailangan naman na gawa sa silk o cotton at kulay navy blue o itim ang naturang hijab base sa direktiba ng PCG.
Dahil dito, pinuri ng Commission on Human Rights (CHR) ang hakbang ng PCG dahil nakikitaan ito ng pagpapahalaga sa kultura ng mga Muslim.
Idiniin pa ng CHR na dahil sa pag-apruba nito, nasusunod ang mandato ng Magna Carta for Women kung saan nabibigyan nito ng pagkilala at paggalang ang karapatan ng mga babaeng Muslim upang maipakita, maisulong, maprotektahan, at maipreserba ang kanilang kultura, tradisyon, at sariling institusyon.
“Under the Magna Carta, the State shall consider these rights in the formulation and implementation of policies and programs,” sabi pa ni CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit.
Hinikayat din ni Gomez-Dumpit ang PCG na pagtibayin ang polisiyang magsisigurong walang diskriminasyong mararanasan ang mga babaeng Muslim sa pagsuot ng hijab at iba pang kilos na kanilang ginagawang naaayon sa relihiyong Islam.
"These foster mutual respect and appreciation among cultures and religions, which are important building blocks for a harmonious society," dagdag pa ng commissioner.
Samantala, nagpahayag din ng pasasalamat ang mga miyembro ng Muslim community at sinabing umaasa silang sa pag-apruba ng pagsusuot ng hijab ay mas marami pang babaeng Muslim ang mahihimok upang sumali sa military service.
Ang hijab ay isang parang belo na sinusuot kadalasan ng mga babaeng Muslim upang mapanatili ang kahinhinan at pagkapribado mula sa mga hindi nila kakilalang lalaki.
Iwinasto ni Niko N. Rosales