Ni Cherry Babia
PHOTO: Wikipedia/UniTeam/Inquirer

Tinuldukan ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni presidential aspirant Bongbong Marcos Jr., ang paratang na pagpe-presenta ng Iglesia ni Cristo sa Marcos-Duterte tandem. Ito ay matapos iraos nitong nakaraang Miyerkules ang naganap na proclamation rally ng partido sa Philippine Arena na kilalang pagmamay-ari ng INC.

Depensa ni Rodriguez, ito'y 'venue' lamang na pinagganapan ng iniraos na pagtitipon bilang ito ay may kakayahang umokupa ng higit sa libu-libong taga-suporta ng tambalang Marcos-Duterte, maging ng labing-isang (11) kandidatong bumubuo sa senatorial slate ng partido.

“You’re reading too much between the lines. We have not said anything close to that. Ito ay venue lamang," pagdepensa ni Rodriguez sa paratang ng mga kritiko.

"Kaya namin ito napili sapagkat ito ang pinakamalaki at maaaring mag-accommodate sa libu-libo naming mga supporters and followers,” paglilinaw pa niya sa kabila ng inaasahang 25,000 na dadalong taga-suporta ng UniTeam.

Matatandaang binigyang suporta ng INC noong 2016 ang vice-presidential bid ni Marcos Jr., maging ang pagtakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte, ama ni Sara Duterte-Carpio, na kasalukuyang running mate ni Marcos Jr.

Samantala, hindi pa naglalabas ng pahayag ang ehekutibong ministro ng INC ukol sa akusasyong pag-eendorso nito sa Marcos-Duterte tandem ngayong Halalan 2022.


Iwinasto ni Kyla Balatbat