Sotto ‘babarilin ang sarili sa Luneta’ kung mapatunayang pinilit mga kapwa senador na lumagda sa Pharmally report
Ni Cherry Babia
PHOTO: ABS-CBN News |
Mariing itinanggi ni Vice Presidential aspirant at Senate President Vicente Sotto III ang alegasyon tungkol sa pagiging sangkot nito sa anumalyang pinilit niya ang mga kapwa senador na pirmahan ang Senate blue ribbon committee draft kung saan pinapanagot si Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersyang kinasasangkutan ng Pharmally Pharmaceutical Group.
"I will resign and shoot myself in Luneta," saad ni Sotto noong Martes sa isang panayam matapos magbigay ng courtesy kay Mayor Edwin Olivarez sa Paranaque City.
Sinabi niyang ito umano ang gagawin niya kung sakaling mapatunayang pinilit nga niya ang kanyang mga kapwa senador sa pagpirma, na malinaw niya namang itinanggi.
"If you can come up with a senator who can prove or say that I pressured him or her to sign any comm report, that particular blue ribbon committee report, which I have not signed, I will resign and shoot myself in Luneta,” dagdag ng Senate President.
"It’s absolutely false. Una, I have not talked to any senator about the blue ribbon report, I cannot pressure any member of the Senate na mag-sign ng isang committee report na ako mismo ay hindi ko pinipirmahan," aniya.
Una nang nanawagan si Sotto sa National Telecommunications Commission na imbestigahan at itigil na ang paggamit ng mga text messages bilang black propaganda tool laban sa mga personalidad at grupo.
Ito ay sa gitna ng mga kumakalat na text messages sa pagitan nila ni reelectionist Senator Richard Gordon na pagpilit sa kanilang kasamahan na pirmahan ang draft ng Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon tungkol sa paggamit ng gobyerno sa pondo ng pandemya.
Aniya, ang mga text messages ay ginagamit umano upang siraan ang relasyon niya at ni Pangulong Duterte.
"Lumalabas dun parang kinokontra ko si presidente, ‘di ba? E alam naman nilang magkaibigan kami ni presidente. Eh, siguro gusto nilang, ano tawag nun … they want to drive a wedge kaya naglalabas sila ng ganoong balita," depensa pa ni Sotto.
Iniwasto ni Kim Arnie Gesmundo