TANGING PAG-'ASA’: Asa Miller ibabandera ang Pilipinas sa Beijing Winter Games

Ni Ernesto Nodado III

PHOTO: Oregon Live

Iwinagayway ng kaisa-isang kinatawang atleta ng bansa, Asa Miller, ang bandera ng Pilipinas sa opisyal na pagbubukas ng 2022 Winter Olympics sa loob ng Beijing National Stadium, nitong Biyernes ng gabi.

Pangalawang pagkakataon na ng 21-anyos na maging flag-bearer matapos ang 2018 Pyeongchang Games, kung saan tinangka niyang umalagwa sa Giant Slalom event ngunit bigo sa kaniyang Olympic debut.

Determinadong manalo si Miller ngayong taon sa nasabing palaro, kung saan nakatakda siyang sumabak sa Men’s Slalom sa February 16.

“I hope to do better… I’m prouder and more motivated this time,” sabi ng 2018 Olympian.

Tanging si Miller ang Pilipinong nakapasok sa Winter Games ngayong taon bunsod ng hindi pagkakaligtas sa qualifying rounds sina Sofia Frank, Edrian Celestino, at Julian Macaraeg.

Gayunpaman, tuloy pa ring ibibida ng Fil-Am Alpine skier ang kaniyang lakas upang ikatawan ang Pilipinas sa Winter Games at para sa tanging pag-asa ng kauna-unahang medalya ng bansa.

“It means the world to me to represent my family, who lives in Manila, and do the thing I know best…I hope to make my family proud and the rest of the country as well ,” ani Miller.

Dumalo rin sa nasabing programa sina Philippine Olympic Committee President Abraham Tolentino, Philippine Ski and Snow Federation chief Billy Sumagui, at Chef de Mission Bones Floro upang suportahan ang Portland native.

Kasapi si Miller sa humigit-kumulang 3,000 atleta na lumahok sa ikalawang edisyon ng Games na ginanap sa kasagsagan ng pandemya.

Binabalot man ng lamig sa 'Bird's Nest' stadium, nagbigay-init naman ang makukulay na LED lights design sa sahig at masigasig na pagtanggap ng Chinese performers sa pagsalubong sa Parade of Athletes.

Opisyal na idineklara ni Chinese President Xi Jinping ang pagsisimula ng Beijing Winter Games na may slogan na “Together for a shared future”, matapos ang opening speech ni International Olympic Committee (IOC) president Thomas Bach.

Tampok naman ang motto na “Faster, Higher, Stronger-Together” sa kumikinang na sahig ng stadium, na siya ring dinaanan ng flagbearers habang itinataas ang Olympic flag kasabay ng pag-awit ng 40 bata ng Olympic anthem.

Tatagal nang dalawang linggo ang kabuuan ng quadrennial meet at matatapos sa February 22.


Iniwasto ni Kyla Balatbat


Previous Post Next Post