Ni Monica Condrillon 

PHOTO: Inquirer/Getty Images

Natatawang pinabulaanan ni presidential aspirant Bongbong Marcos ang mga usaping ginagatungan ng kanyang mga supporters na may tone-toneladang ginto ang pamilya Marcos na ipamimigay umano kapag nanalo ito sa eleksyon ngayong Mayo.

“Walang ginto, walang ginto,” saad niya sa Super Radyo dzBB’s  Ikaw Na Ba? The Presidential Interviews nitong Sabado.

Magugunita na may lumitaw na Facebook post noong 2011 na nagsasabing binayaran ng pamilya Tallano, isang precolonial ‘royal family’, ang yumaong diktador na pangulong Ferdinand Marcos Sr. ng mga ginto para sa kanyang mga nagawang serbisyo.
 
Matapos ang ilang taon, pinaigting muli ang haka-hakang ito matapos magpahayag ang mga tagasuporta ng pamilya Marcos sa facebook page na Marcos Cyber Warriors na ang yaman ng mga Marcos ay galing sa kliyente na Maharlikan Tallano family.

Nagpahayag din si Marcos noong nakaraang buwan sa isang interbyu sa One News PH na talagang hindi pa niya nakikita ang ginto ni Yamashita o ng pamilya Tallano na pinaniniwalaang pagmamay-ari na ng kanyang pamilya.

Ngunit lumitaw rin ang isang report noong 1992 galing sa Associated Press na nagsasaad na sinabi umano ni dating First Lady Imelda Marcos na ang yaman ng kanyang asawa ay hindi galing sa mga Pilipino kundi galing sa mga Japanese at iba pang ginto na natagpuan pagkatapos ng World War 2.