Ni Lynxter Gybriel L. Leaño

PHOTO: Vico Sotto (Facebook)

Sinampahan ni Pasig City Vice Mayor Iyo Caruncho Bernardo ng kasong cyberlibel ang alkalde ng naturang lungsod na si Vico Sotto matapos masabihan ang bise mayor na “uncooperative” at “unsupported” na lider ng Pasig.

Ayon kay Bernardo, hindi raw tama ang ginawa ni Sotto na paglabas ng kanyang hinaing lalo na at maraming tao ang nakarinig sa idinaos na Flag Raising Ceremony noong Enero 10.

“It is not in the character of Pasigueños to malign other people. There’s a proper venue to air your grievances … just don’t do it during the [flag-raising ceremony],” giit pa ng bise alkalde.

Hindi pinalagpas ni Bernardo ang pagbintang sa kanya ni Sotto dahil sa sinabing hindi umano suportado ng bise alkalde ang mga programa, proyekto, at mga agendang inihain ng kasalukuyang administrasyon ng Pasig.

Kaugnay nito, nakita naman ng mga netizen ang naging reaksyong “Haha” ni Mayor Vico Sotto sa Facebook Live na nagpapakita kay Bernardo na nagsasampa ng 14 pahinang kasong cyberlibel para sa kanya noong Marso 18 sa Office of the City Prosecutor.

Wala pa namang pahayag ang kampo ni Sotto hanggang ngayon kaugnay sa kasong ito.

Samantala, maglalaban naman ang dalawang politiko sa darating na May 9 para sa pagiging alkalde na inaasahang magbibigay ng tapat na serbisyo at suporta para sa kinasasakupan nito. 


Iwinasto ni Niko N. Rosales