BBM, ‘sakalam’ sa Gen Z — Pulse Asia

Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: PFP

Kung ang Generation Z o Gen Z ang tatanungin, si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang magwawaging susunod na pangulo ng bansa.

Ayon ito sa pinakahuling survey ng Pulse Asia para sa buwan ng Pebrero kung saan lumabas na 7 mula sa 10 na kabataang Pilipino na may edad 18 hanggang 24 ang boboto para kay dating senador Marcos.

Kung ikukumpara ang naturang datos sa pinakamalapit na katunggali ni Marcos para sa puwesto sa Malakanyang na si Vice President Leni Robredo, makikita na higit na lumamang ang nauna.

Bagaman dinudumog ng mga kabataan sa kanyang campaign sorties at rallies, nasa 14% lamang ang preference rating ni Robredo sa mga Gen Z.

Pumangatlo naman si Manila Mayor Isko Moreno na may 7% preference rating sa 18-24 age group.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), 30% ng nasa 67 milyong eligible voters para sa darating na eleksyon ay ang kabataan, edad 18 hanggang 30.

Samantala, bukod sa Gen Z, nanguna rin si Marcos Jr. sa iba pang age groups kung saan siya nakapagtala ng hindi bababa sa 50% sa bawat pangkat.


Iwinasto ni: Phylline Calubayan





Previous Post Next Post