Imelda Marcos ‘ayaw paawat’; nais sumali sa pangangampanya ng anak kahit matanda na
Ni Nikki Coralde
PHOTO: CNN |
Kahit matanda na, gusto pa rin daw ni dating first lady Imelda Marcos na sumali sa mga political rallies ng kaniyang anak na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kasalukuyang tumatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Ayon kay Senador Imee Marcos, buhay na umano ng kaniyang ina ang pangangampanya kaya kahit sa edad na 92, ay pinipilit pa rin daw nito na suportahan ang anak.
“Kami ang nagaawat e papaano talaga namang matanda na siya. May commorbity na rin pero talagang buhay niya ang kampanya. Kaya buhay na buhay. Gustong-gustong sumali,” sabi ng senador.
Dagdag pa niya, “Natural sa kanya e. Mahilig talaga sa tao. Naiintindihan niya ‘yung iba’t-ibang tampo, ‘yung kiliti ng iba. Siya [ay] very sensitive and very people-wise. Ang taas ng EQ (emotional intelligence) ng nanay ko, ibang lebel. Kaya kailangan namin siya palagi.”
Kasabay nito, sinabi rin ni Imee na hinahayaan naman nilang umikot ang ginang sa hindi matataong lugar nang may pag-iingat.
“Umiikot din siya ng sarili niya, pinagbabawalan lang namin sa masusukal na lugar na maraming crowd kasi mahirap na ‘no. Pero ayaw paawat talaga naman,” aniya.
Kaugnay nito, nauna nang sinabi ni Imelda na mataas umano ang tsansa ni Bongbong, at maging ang katambal nito na si Sara Duterte, sa nalalapit na eleksyon sa Mayo.
Samantala, idiniin naman ng senador na ang kanilang ina ang pinakamagaling na pulitiko sa kanilang pamilya.
Kasalukuyang nasa temporary liberty ang ginang matapos mapatunayan na guilty sa kasong graft ng Sandiganbayan dahil sa paggamit nito ng swiss bank account para mapanatili ang umano’y nakaw na pera mula sa gobyerno.
Edited by: Phylline Calubayan