Ni Kier James Hernandez

PHOTO: Philippine News Agency

Katulad ni Political Science Professor Clarita Carlos, hindi rin iboboto ni Manila Mayor at presidentiable Isko Moreno ang mga kandidatong hindi dumadalo sa debate kung siya ay isang botante at hindi kandidato.

Ito ang iginiit ni Moreno matapos tumangging dumalo ng kapwa presidential aspirant nitong si Bongbong Marcos sa Commission on Election (Comelec) debate kasabay ng pagbanat na hindi raw mapapakain ng "pagkakaisa" ang mga tao.

"Hindi ko iboboto," ani Moreno sa media habang nangangampanya sa Kabankalan City sa Negros Occidental nang tanungin kung ano ang opinyon niya sa mga kandidatong ayaw sumali sa mga debate.

"Puwede mo lang ba basahin ‘yung papel, hindi mo ba siya tatanungin, totoo ba itong sinasabi mo na ito skills mo? Kung ako botante, hindi kita iboboto. Tapos pagka may mga kaso ka pa tapos napatunayan may sala ka, kailangan patunayan mo, nagbagong buhay ka na ba?” dagdag pa niya.

Pinatutsadahan din niya ang madalas na linya ni Marcos Jr. tuwing nangangampanya na "unity" o "pagkakaisa" at sinabing "Maganda ang pagkakaisa…. I do believe in pagkakaisa pero ang salitang pagkakaisa, hindi makaka-resolba ng gutom ng tao."

"Kapag wala nang masasaing ang tao, hindi mo kayang isaing ang pagkakaisa. ‘Pag wala nang ulam ang tao hindi mo maiuulam ang pagkakaisa,” pagpapatuloy ni Moreno.

Samantala, ang rason ng kampo ni Marcos sa hindi pagdalo sa debate ng Comelec, "Presidential frontrunner Bongbong Marcos’ words are his bond, thus we shall honor our commitment to our supporters to be with them on the field on this day,” ani Attorney Vic Rodriguez, spokesman ng dating senador.


Iniwasto ni Maverick Joe Velasco