Ni Ryann Yap

PHOTO: Zyri.Net

Sinamantala ng double-double output ni Joel Embiid ang pagkawala ni Lakers superstar LeBron James nang kargahin ang Philadelphia 76ers at umeskapo sa Los Angeles, 126-121, ngayong NBA Regular Season sa Crypto.com Arena, Miyerkules.

Pilit mang humabol at dumikit sa huling kwarter, hindi na pinalamang o pinatabla man lang ng Sixers ang Lakers buhat ng kanilang mainit na opensa, sapat para selyuhan ang tagumpay.

Nagposte si Embiid ng kabuuang 30 puntos kabilang ang 10 rebounds, na agad sinuportahan ng 24 puntos ni James Harden, at naging ugat sa bentahe ng Sixers sa tunggalian.

“It’s not about me, I always say that I can’t win basketball 1-on-5. It takes all of them, the coaches, credits to them, with our situation they’ve been doing an amazing job, do whatever they had,” wika ni Embiid matapos ang laro.

Dama ng Lakers ang kawalan ng dalawa sa kanilang superstars buhat ang knee injury si LeBron bago maganap ang laban sa Philadelphia, dagdag pa ang right ankle sprain ni Anthony Davis noong nakaraang buwan na hanggang ngayon, hindi pa rin nakapaglalaro.

Natapyas pa ng Los Angeles ang hinahabol na lamang dalawang puntos, 95-93, sa pagbubukas ng huling yugto mula sa mid-range jump shot ni Carmelo Anthony.

Agad naman itong sinagot ng tres mula kay Tyrese Maxey upang ibalik sa lima ang abante ng Sixers, 98-93, at maging hudyat ng pagdistansya nila sa Los Angeles.

Malaking parte rin sa panalo ng Philadelphia ang 21 puntos ni Maxey kabilang ang pitong assist, na siya ring umalalay sa 20 puntos na ambag ni Tobias Harris.

Sa kabilang banda, nagtangka pa rin si Russell Westbrook na makahabol matapos nitong maagaw ang bola kay Harden sa nalalabing 35 segundo ng laban na rumesulta sa isang lay-up, 123-119.

Nagtala si Westbrook at Dwight Howard ng tig-24 puntos para sa panig ng Lakers, gayundin ang pagdomina nila sa bench scoring sa pag-ariba ng 23 puntos ng Malik Monk at 20 ni Anthony, ngunit kulang ito para masikwat ang panalo.

Solo ngayon sa ikalawang pwesto sa Eastern Conference ang Sixers na may 45-27 rekord, patas sa Milwaukee Bucks, samantalang naipit naman ang Lakers sa ika-siyam na seed sa West na may 31-42 win-loss na tala.


Iniwasto ni Kyla Balatbat