PATAFA binawi ang desisyong tanggalin si Obiena sa linya ng SEA Games
Ni Ryann Yap
PHOTO: GMA Sports |
Salungat sa nauna nilang pahayag noong Martes, nagkamali umano ng anunsyo ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ukol sa pagkakaligwak ni World No. 5 Ernest John “EJ” Obiena sa mga atletang ipadadala ng Pilipinas sa 31st Southeast Asian (SEA) Games sa darating na Mayo.
Sa isang panayam, sinabi ni PATAFA national training director Renato Unso na nailimbag umano nitong Pebrero 28 ang usapang nakadepende sa resulta ng mediation process ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagsama kay Obiena sa SEA Games lineup, kabilang ang tatlo pang internasyonal na patimpalak sa pole vaulting.
“The deadline for entry by name is on March 13 so there is still time for EJ to be included once the mediation process brokered by the PSC between PATAFA and the athlete is resolved before that,” wika ni Unso.
Matatandaang litaw ang pagkadismaya ng presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) na si Abraham “Bambol” Tolentino sa isang panayam matapos lumabas ang unang balita ukol sa pagkalaglag Obiena sa roster nitong ika-8 ng Marso.
“I can only shake my head, this is horrible,” wika ni Tolentino. “Barring serious injury, EJ will win the gold medal even blindfolded in Hanoi."
Patuloy pa rin ang mediation process sa pagitan ng dalawang kampo, na pinangungunahan ni PATAFA chief Philip Juico at ni Obiena, katuwang ang PSC na wala pa ring napagkakasunduang desisyon hanggang ngayon.
Ilang buwan na ring inuulan ng mga alegasyon ang si Obiena pati na ang PATAFA tungkol sa mga diumano'y maling paggamit ng ibinahaging pondo ng sports national governing body.
Kampeon ng 2019 SEA Games at finalist ng Tokyo Olympics, at kakasikwat lamang ni Obiena ng pilak sa Perch Elite Tour sa France, ilang araw bago ang nasabing pagkalaglag sa SEAG lineup.
Nakapag-uwi na rin si Obiena ng dalawang ginto ngayong taon kabilang ang 2022 Orlen Cup sa Lodz, Poland at Orlen Copernicus Cup sa Torun.
Iniwasto ni Jostle Pilayre