PH envoy sa Saudi, pinauwi matapos ikampanya ni misis si BBM kahit bawal

Ni Kier James Hernandez

PHOTO: Balita Online

Matapos masita dahil sa pangangampanya para sa isang kumakandidatong pangulo ang misis ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto, pinababalik ngayon siya ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa bansa. 

Ayon sa DFA, regular nilang pinapaalalahanan ang opisyal at tauhan ng ahensya sa bansa man o sa ibang bansa na mahigpit nilang ipinagbabawal, direkta man o hindi, ang pakikipag-ugnayan sa anumang aktibidad pampulitika. 

“The DFA regularly reminds personnel here and at Foreign Service Posts on the prohibition against engagement, whether directly or indirectly, in any electioneering or partisan political activity," ani ng ahensya sa isang statement. 

"It does not condone acts that go against the Omnibus Election Code, the Overseas Voting Act of 2013 and the COMELEC-CSC Joint Circular No. 001, series of 2016," dagdag pa nila. 

Kasalukuyan naman nang pinaiimbestigahan ni DFA Deputy Assistant Secretary for Public and Cultural Diplomacy Gonar Musor ang nangyaring insidente. 

“In the meantime the DFA is investigating the incident in Riyadh, and Ambassador Alonto has been instructed to return to the Philippines for home office consultations,” sambit pa. 

Viral ngayon sa social media ang bidyo ng asawa ni Alonto na ikinakampanya si presidentiable Bongbong Marcos sa Riyadh na umani ng 120,000 views sa Twitter. 

“Hindi ko po hinihiling na suportahan niyo 'yung kandidato ko kasi nasa sa inyo po ‘yan. That is your right to choose the candidates that you would like to vote for pero kung tatanungin niyo po ako kung sino ang iboboto ko ay nandito po, nakasulat sa t-shirt ko. Ngayon kung gusto niyo akong samahan, nasa sa inyo ‘yun,” sabi ng asawa ni Alonto sabay turo sa kanyang damit kung saan nakasulat ang pangalan ni Marcos. 

“Please cast your vote. Do not waste this moment because this might just be, itong pagkakataon na ito, it might just be the turning point so that we will have another Ilocano president,” pahayag pa nito. 


Iwinasto ni Maverick Joe Velasco




Previous Post Next Post