DOMINASYON: 31 puntos ni Embiid, sapat para tambakan ang "Barnes-less" Raptors; Sixers angat sa 2-0 lead
Ni Winlei Kim Castro
PHOTO: The Associated Press |
Tuloy pa rin ang misyon ng Philadelphia 76ers na tapusin ang 39-taong pagkauhaw sa NBA title.
Ninamnam ng fourth-seeded 76ers ang kanilang 2-0 serye bentahe sa Eastern Conference first round matapos dominahin muli ang Toronto Raptors, 112-97, Martes sa Wells Fargo Center.
Sapat ang 31 puntos at 11 rebounds na iniukit ni Kia MVP Finalist Joel Embiid sa loob ng 37:14 minutong paglalaro upang dominahin ang Game 2.
Nagtarak ng 27-12 run ang 76ers bunga ng siyam na puntos ni James Harden, susi sa 67-52 kalamangan sa pagtatapos ng ikalawang kwarter.
Lumobo pa hanggang sa 29 puntos ang kalamangan dulot ng 15-2 bomba ng 76ers na tumapos sa ikatlong kwarter, 95-71.
Sa simula ng ika-apat at huling kwarter, sinubukang ibaba ng Raptors ang kalamangan, 86-97, via 14-2 surge ngunit hindi ito umubra nang bumawi ng 8-0 run ang 76ers at hindi na lumingon pa.
Sa kabilang banda, nanguna si OG Anunoby sa opensa ng Raptors ngunit kapos ang kaniyang 26 para isalba ang koponan mula sa 2-0 butas.
Susubukin ng Raptors na itabla ang serye sa kanilang balwarte sa Scotiabank Arena kung saan magpapatuloy ang Games 3 and 4 ng unang round.
Nakatakda naman sa Huwebes ang kanilang susunod na paghaharap.
Samantala, yumuko naman ang Denver Nuggets sa Golden State Warriors para mabaon sa 2-0 ang serye, 126-106; habang itinabla ng Dallas Mavericks ang serye sa 1-1 makaraang lusutan ang Utah Jazz, 110-104.