"EQUALITWEET" Free speech, authentication, prayoridad ni Elon Musk—ang bagong boss ng Twitter
Ni John Emmanuell Ramirez
PHOTO: MarketWatch |
Pagkabili sa Twitter sa halagang 44 bilyong dolyar, ipinangako naman ni Elon Musk, pinakamayamang bilyonaryong entrepreneur, na maitataas ang free speech at authentication ng mga user sa platform, kung saan ikinabahala ng mga kritiko ang mataas na potensyal na paglaganap ng disimpormasyon at harassment sa social media network.
“The extreme antibody reaction from those who fear free speech says it all,” banat ni Musk sa mga bumabatikos na kritiko, kung saan nilinaw niya na mariin lang niyang kinokondena ang censorship na labas sa batas.
“If people want less free speech, they will ask government to pass laws to that effect. Therefore, going beyond the law is contrary to the will of the people,” diin ni Musk sa kanyang tweet.
Matatandaan sa TED2022 Conference noong Abril 15, noon pa ma’y naniniwala na si Musk na dapat sumunod ang Twitter sa batas ng mga bansang pinag-ooperahan nila upang hindi makontrol ang kalayaan nilang magpahayag.
"It's important to the function of democracy, it's important to the function of the United States as a free country, and many other countries, to help freedom in the world," wika niya noon.
Pagdating naman sa content moderation, idiniin niyang hayaan na lamang mag-exist ang naturang tweet kung ito’y nasa “gray area,” sapagkat hindi naman kinakailangan pang ipalaganap ang tweet kung ito’y sakop na ng malaking kontrobersiya.
“I'm not saying I have all the answers here, but I do think we want to be very reluctant to delete things, and just be very cautious with permanent bans — timeouts, I think, are better," saad niya sa conference.
Sumasalamin mismo ang karamihan ng mga pagbabagong inirekomenda ni Musk sa kanyang karanasan bilang isa "high-profile user" na mayroong mahigit 85 milyong followers at sandamakmak na impersonator accounts na ginagamit ang kanyang pangalan para sa cryptocurrency schemes.
Sinusulong niya ang mariing pagpuksa sa mga tinatawag na "spam bots" sa Twitter na kumokopya ng identidad ng isang user, tulad ng kanyang nararanasan.
Naniniwala rin siyang may bias na nakapaloob sa algorithm ng Twitter, na maaring maresolba sa paggamit ng isang open-source algorithm, na gagawing publicly-available ang calculus na tutukoy sa kung anong lalabas sa Twitter feed ng isang user.
Ilan pa sa mga pagbabagong nais ihatid sa plataporma ang editing capability ng users sa maikling oras matapos makapag-tweet — kung saan 74% ng 4.4 milyong respondante sa kanyang Twitter poll noong Abril 2022, ang naghahangad din ng ganitong feature.
Sa kabilang banda, ikinababahala naman ng karamihan na magreresulta ang naturang content moderation ni Musk sa pagbabalik muli ng mga account na magpapalawig ng mga conspiracy at harassment sa platform, tulad ng mga na-block na personalidad gaya ni dating United States President Donald Trump.
Ayon pa sa mga Wall Street analyst, baka mas mapalayo ang mga advertiser na pangunahing revenue source ng kompanya, at mahihirapang mapanatili ang mahigit 7,500 manggagawa ng kompanyang nakabase sa San Francisco, California, kung saan inaasahan ang posibleng backslide sa content standards.
Binalaan din ng gobyerno ng United Kingdom (UK) si Musk na dapat mag-comply ang Twitter sa kanilang bagong online safety bill, na magtutulak sa mga platform na protektahan ang users sa malisyosong content, kung ayaw nilang patawan ng malalaking fines o total ban dahil sa pa-ulit-ulit na paglabag.
“Twitter and all social media platforms must protect their users from harm on their sites. We are introducing new online safety laws to safeguard children, prevent abusive behaviour and protect free speech. All tech firms with users in the UK will need to comply with the new laws or face hefty fines and having their sites blocked,” wika ng isang spokesperson ng UK.
Nagpaalala naman ang European Union (EU) na kailangan din niyang mag-comply sa bagong Digital Services Act, na nagpipilit sa mga online platform na aksyunan ang mga iligal na content, gaya ng hate speech.
Ipinag-uutos ng naturang batas na pahintulutan ng mga social media platforms ang users na mag-flag ng iligal na content—gaya ng promosyon ng terorismo at komersyal na scam—sa isang madali at epektibong paraan, para mabilis itong mabura sa feed.
“We welcome everyone. We are open but on our conditions. At least we know what to tell him: ‘Elon, there are rules. You are welcome but these are our rules. It’s not your rules which will apply here,” sambit ni Thierry Breton, commissioner ng EU para sa internal market, sa isang panayam sa Financial Times.
Iniwasto ni Kyla Balatbat