FACT CHECK: Lumang invoice ng $1.43-M shopping spree ni Imelda Marcos, kumpirmado
Ni John Emmanuell P. Ramirez
PHOTO: Alex Bowie (Getty Images)/Preen.Ph |
Kinumpirma ng ABS-CBN Investigative & Research Group ang umano’y kumakalat na lumang dokumentong naglalaman ng resibo ng mga pinamiling alahas ni dating First Lady Imelda Marcos na nagkakalahalagang USD $1.43 milyon mula sa Bulgari sa New York.
Sa isang ulat sa pananaliksik ni Ciara Annatu ng ABS-CBN, nakapangalan din ang naturang “invoice” sa dating sekretarya ng first lady na si Vilma Bautista, kung saan nauna nang sumiwalat sa New York Daily News noong 2014 matapos ma-convict si Bautista sa Manhattan Supreme Court.
Matatandaang nahatulan ang sekretarya noon ng dalawa hanggang anim na taong pagkakakulong sa kasong “tax fraud,” “conspiracy,” at “offering a false instrument for filing,” bunsod ng iligal na pag-aari at pagbebenta ng mga art ng pamilyang Marcos, at pagtatago ng nakamkam na pondo sa mga awtoridad.
Nabanggit sa naturang invoice ang ilang mga alahas na ito: bracelet na may mga emerald at diyamante na nagkakahalagang mahigit 56 milyong piso ngayon, mga ear clip na may 18 karat na ginto at mga diyamante na may halagang mahigit apat na milyong piso sa kasalukuyan, at iba pa.
Kung tutuusin, katumbas ang sumatotal na halaga ng mga nabiling alahas sa mahigit ₱10 milyon sa naturang panahon, na ngayo’y nasa mahigit ₱74 milyon, ayon sa exchange rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Batay naman sa isang ulat na inilathala ng Los Angeles Times (LA Times), tumataginting na USD $3 milyon o mahigit ₱155.72 milyon sa kasakuluyang pagtutumbas, ang kabuuang nagastos ni Marcos sa pagbili ng mga alahas at iba pang luho sa iisang araw lamang noong Mayo 1983 sa New York.
Kung babalikan, kuha ni Alex Bowie, isang maniniyot ng iba’t-ibang pahayagan tulad ng Time magazine, ang naturang larawan sa dokumento.
Ayon pa sa Getty Images, ito ay orihinal na dokumentong nahalungkat sa Palasyo ng Malacañang matapos tumakas patungong Hawaii ang mga Marcos noong Pebrero 25, 1986.
Batid ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG), tinatayang nasa USD $5 bilyon hanggang USD $10 bilyon ang naitalang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos, ngunit USD $3 bilyon pa lamang nito o ₱170 bilyon, ang nabawi na ng komisyon sa nakalipas na 30 na taon.
Iniwasto ni Kyla Balatbat