By Cherry Babia

PHOTO: ABS-CBN News

Idineklara bilang pinuno ng Task Force Kontra Bigay ang Commision on Elections (Comelec) Commissioner na si Aimee Ferolino, kung saan naglalayon ang nasabing grupo sa pagharap sa mga isyu hinggil sa pagbili ng boto.

Ayon kay Commissioner George Garcia sa naging panayam noong Miyerkules, pinili si Ferolino dahil sa kanyang background at karanasan, dagdag pa ang pagiging parte nito sa komite ng Comelec.

Kasabay ng kanyang pagkatalaga bilang pinuno ng nasabing grupo, si Ferolino na ang magiging responsable para sa pagtawag ng mga pagpupulong, paggawa ng mga alituntunin, at iba pa.

"Si Commissioner Ferolino ang magpapatawag kaagad ng mga meeting ng task force, mag-da-draft ng necessary additional guidelines at the same time, magpapatupad nitong mandato ng Commission on Elections to either motu proprio or to accept complaints tungkol sa vote buying," saad ni Garcia.

Gayunpaman, nauna nang sinabi ni Garcia noong nakaraang linggo ang paglulunsad ng isang grupo na binubuo ng ilang ahensya ng gobyerno upang tugunan ang pagbili ng boto ngayong papalapit na halalan.

Nabuo ang nasabing task force matapos magkaroon ng mga reports na nagsasabing nagbibigay umano ng pera ang mga politiko sa kanilang pangangampanya.

Samantala, pinangungunahan naman ni Ferolino ang nasabing task force kasama ang ilan sa mga miyembro ng Department of Justice, Presidential Anti-Corruption Commission, Department of the Interior and Local Government, Philippine Information Agency, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines.


Iwinasto ni: Kim Arnie Gesmundo