‘Incorrect’: Guinness World Records sa ‘di umano’y longest motorcade caravan ni BBM

Ni Kaela Gabriel

PHOTO: News5

Pinabulaanan ng Guinness World Records ang ‘di umano’y “longest motorcade caravan” claim ng isang Facebook page ng taga-suporta ng BBM-Sara tandem nitong ika-26 ng Marso.

Sa isang Facebook post ng Bbm Sara Uniteam Headquarters Northern Luzon, Crown Legacy Hotel Baguio, nagkomento ng “This information is incorrect” ang opisyal at beripikadong pahina ng Guinness World Records.

Ang nasabing komento ng GWR ay umani ng humigit 40k reactions bago ito mabura sa naturang post na ngayon ay mayroong 36k reactions kung saan 29k dito ay ‘haha’ at 5.9k naman ay ‘love’. [stats as of 1:58 AM]

Anim na litrato rin ang ginamit sa post ng pro-Marcos na Facebook page kung saan ang isa rito ay nilapatan ng Guinness World Records logo at may pamagat na “BBM caravan lights record breaking na naman” at “BBM Caravan Ilocos Norte.”

Sa ngayon, ang tanging titulo pa lamang sa Guinness World Records na may kaugnayan sa mga Marcos ay ang dati nitong tala na “Greatest Robbery of a Government” na ngayon ay binura din ng GWR sa kanilang kagustuhang suriin at imbestigahan muli ang paratang na ito.

Ang Guinness World Records ay ang tinaguriang “global authority” sa pagtatala ng mga record-breaking na mga bagay o pangyayari, taun-taon din itong naglalathala ng mga kompilasyon sa pamamagitan ng kanilang website at libro.


Iniwasto ni Kyla Balatbat
Previous Post Next Post