Moreno nanindigan sa paghimok kay Robredo na umatras sa pagkapangulo
Ni Cherry Babia
PHOTO: CHOS PH |
'Walang patawad.'
Nanindigan si Manila Mayor Isko Moreno sa paghimok niya kay presidential aspirant Leni Robredo na bawiin ang bid nito sa pagkapangulo sa kabila ng samu't saring batikos at hindi pagsang-ayon ng ilan sa mga kapartido nito sa naganap na kontrobersiyang Easter Press Conference.
Ayon kay Moreno, hindi siya hihingi ng tawad kay Robredo dahil 'honest opinion' niya ito.
"I don’t apologize for something I believe that is fair. I don’t say sorry for something I did that was within reason,” ani ng alkalde.
Inulit pa ni Moreno ang sinabi niyang panghihikayat kay Robredo na tumigil at bumaba na sa pagtakbo nito bilang pangulo at bigyan ng pagkakataon ang ilan pa sa mga tumatakbong pangulo na maaaring makatalo sa dating senador na si Ferdinand 'Bongbong' Marcos.
"Vice President Leni, be a hero, withdraw, give chance to the other candidates," aniya.
Dagdag pa rito, sa isang ambush interview ni Moreno, sinabi niyang binibigyan lamang niya ng 'taste of their own medicine' si Robredo.
Gayunpaman, ang mga tagasuporta lamang ni Robredo ang tumutulak sa mayor na umatras sa pagkapangulo at hindi ang kampo nito.
Maliban kay Mayor Moreno, dumalo rin sa pagtitipon sina presidential candidates Senator Ping Lacson at dating Defense Secretary Norberto Gonzales kung saan parehas nilang hindi sinang-ayunan ang pahayag ni Moreno.
Ayon kay Lacson, nagulat umano siya at hindi niya inaasahan ang sinabi nito.
"I didn’t know and I had no idea he would do that," saad ni Lacson.
"I don’t think I was blindsided, or at least it was intentional on the part of Mayor Isko. I think he was carried away by his recollection that VP Robredo earlier asked him to do the ‘supreme sacrifice’ and withdraw," dagdag ng senador.
Sinabi naman ni Gonzales na hindi siya komportable sa anunsyo ni Moreno at humihingi siya ng tawad kay Robredo.
"I’m apologizing to her. Because what we need is something better after the elections, whoever wins,” ani Gonzales sa isang ANC interview.
Idiniin din ni Gonzales na hindi siya 'anti-Robredo' at malaki ang tiyansa na matalo niya si presidential aspirant Bongbong Marcos na kasalukuyang nangunguna sa mga survey.
Samantala, ang kampo ni Pacquiao na dapat sana ay dumalo sa nasabing pagtitipon ay hindi rin sang-ayon sa anunsyo ni Moreno.
Iwinasto ni: Kim Arnie Gesmundo