‘Napaka-inefficient nila’: Robredo, dismayado sa isyu ng DepEd learning modules

Ni Nikki Coralde

PHOTO: Rappler

Tinawag na “inefficient” ni Vice President Leni Robredo ang Department of Education (DepEd) matapos ang isyu ng negatibong paggamit ng kaniyang pangalan sa ilang Grade 11 self-learning modules sa asignaturang Introduction to Philosophy of the Human Person.
 
Aniya, naging iresponsable umano ang ahensya dahil pinayagan nitong makalusot at maibahagi ang ganoong klase ng learning materials sa mga estudyante. 
 
“Ito lang ‘yung pinakaebidensya na napaka-inefficient nila na pinapayagan nila na ‘yung mga module na ganito [na] nakakalusot sa kanila,” ani Robredo.
 
Sinasabing ang naturang module ay may aktibidad kung saan inaasahang tukuyin ng mga mag-aaral kung alin sa mga ibinigay na ulo ng balita ang walang mali sa pagbabaybay o spelling, gramatika at iba pa.  
 
Kabilang sa mga pagpipilian sa isang pagsasanay ay: (a) Robredo Chides Government for Unclear Communication on New Quarantine Rules (b) Robredo Blames the Government as They Don’t Have Clear Rules in Quarantine (c) Robredo Charge the Government as Culprit for Confusion in Quarantine (d) Robredo blames those in the Executive Branch for Communication’s Unclear.
 
Gayundin, nakasentro ang learning material sa pagtuturo ng methods of philosophizing na patungkol sana sa pagdetermina ng katotohanan at opinyon, subalit napuna ng netizens online  na nabahiran daw ng political agenda ang module upang direktang siraan ang bise presidente dahil sa mga salitang ginamit sa mga seleksyon.
 
“As writers, and assessment writers at that, we should be careful of including real names of political leaders or prominent personalities and then putting their names in a provocatively dishonoring statement,” komento ng isang netizen sa Facebook. 

Dagdag pa rito, lumilitaw na ang apat sa pagpipilian ay tahasang naglalarawan sa umano’y paninisi ni Robredo sa gobyerno dahil sa aksyon nito sa pandemya. 
 
Sa direksyong piliin kung ano ang tunay sa mga paglalahat, ito ang mga naging seleksyon: (a) “Drug war a massive failure”–Robredo (b) Robredo lies to the world, shames the nation and herself in UN message (c) The real albatross on Leni Robredo’s neck (d) Let Leni plan on her own drug war.
 
Kasabay nito, sinabi naman ng bise presidente na hindi raw dapat naglalathala ang DepEd ng learning modules na naglalaman ng hindi totoong bagay dahil  maaaring maging dahilan ito para maniwala ang mga tao sa maling impormasyon. 
 
“'Yung DepEd, dapat hindi nagpapalabas ng anything – not just because ako ‘yung nasa receiving end ng ginawa, pero kahit ano na magpo-poison sa minds ng mga tao,” sabi pa ni Robredo. 
 
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Schools Division Office (SDO) Manila kaugnay sa sitwasyon at inamin na hindi raw naidaan sa review ang nasabing module. 
 
“We sincerely apologize for any harm or inconvenience that this may have caused individuals or groups. This is definitely not the intent or the very purpose of the publication of such material,” anila sa isang pahayag.
 
“We apologize further to Asec. Malcolm S. Garma, then Regional Director of DepEd-NCR, and the rest of the NCR Team mentioned as part of the management team as stated in the copyright section of the published material. We admit that this module did not go through their conformance review—as it should—hereby placing mechanisms that should be followed in next productions, if any,” dagdag pa nila. 
 
Matatandaang hindi lamang ito ang unang beses na nagpakita ng kapabayaan ang ahensya. Sa katunayan, naharap rin ito sa kontrobersiya dahil sa pagbabawal umano nito sa mga mag-aaral na sumali sa mga protesta at paggamit ng mga bulgar na termino para sa sex.  


Iniwasto ni Irene Castillo


Previous Post Next Post