No more 'kinahig ng manok': Bagong proyekto ng DOST, malaking tulong sa pagpapaganda ng sulat
Ni Jhennisis Valdez
PHOTO: Manila Bulletin |
Wala nang masasabihan ang mga guro na "parang kinahig ng manok ang sulat mo," salamat sa DOST. Itabi mo ma'am at sir 'iSULAT' ko na 'to.
Karamihan sa mga mag-aaral ang hindi kagandahan ang sulat na nagdudulot ng hindi pagkaintindi nito. Kaya naman isang proyekto ang kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of Science and Technology - Philippine Council for Health Research Development (DOST-PCHRD), na kung saan layunin nitong mapadali ang pagsasaayos ng sulat ng bawat Pilipino.
Magsasagawa ang DOST ng isang proyekto na kung saan magsisilbing daan ito upang mapaganda ang sulat ng isang indibidwal, pinangalanan nila itong Intelligent Stroke Utilization, Learning, Assessment, and Testing o iSULAT.
Ang iSULAT ay bagong proyekto ng nasabing ahensya at ito ay isang software-based handwriting assessment system na kung saan ginagamitan ng specialized na panulat, na siyang magiging daan upang mapag-aralan ang bawat kurba ng sulat ng isang tao.
Ayon sa kalihim ng DOST na si Fortunato "Boy" de la Peña, isa sa mga dulot ng iSULAT ay ang gawing tumpak at madaling intindihin ang sulat ng bawat estudyante.
Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng hindi magandang sulat ay kadalasang nagbubunga sa hindi magandang kinabukasan sa career man o tiwala sa sarili, sapagkat ang pagsusulat ay isa sa mga daan upang magkaroon ng magandang komunikasyon.
"Handwriting is still the most immediate form of graphic communication, failure to attain handwriting competency during the school-age year results in far-reaching negative effects on both academic success and self-esteem," aniya.
Samantala pahabol pa ni Sec. de la Peña, tinatayang nasa 5 hanggang 25 porsyento ang hirap na dinaranas ng mga bata sa pagpapaganda ng kanilang mga sulat.
Dahil dito, malaking tulong ang maiaambag ng iSULAT sapagkat tinatayang mayroon itong iba't ibang paraan upang maging epektibo ang proyekto.
Bukod pa rito, nais din ng proyekto na pag-aralan ang sulat ng bawat bata sa pamamagitan ng iba't ibang tradisyunal na kagamitan.
Ilan sa mga kagamitang binanggit ng DOST ay ang Test of Visual-Motor Skills (TVMS), Minnesota Handwriting Assessment (MHA), at Evaluation Tool of Children's Handwriting (ETCH), na kung saan gagamiting basehan ng kagawaran sa kanilang pag-aaral.
Sa kabilang banda, makatutulong din ang nasabing proyekto sa pagsusuri sa mga taong nakararanas ng iba't ibang uri ng sakit sa mental na pag-iisip.
Ilan sa mga ito ay ang Parkinson's disease, Attention-Deficit/Hyperactivity Disorder (ADHD), Dyslexia, Depression, at maski ang stroke na kung saan kadalasang nararamdaman ngayon ng mga tao lalo na at nasa gitna tayo ng pandemya.
Samantala, suportado na ito ng kagawaran kung kaya ay pinondohan na nila ito ng 3.2 milyong piso.
Tinatayang magsisimulang ipatupad ang proyektong ito sa unang araw ng Abril 2022 hanggang sa huling araw ng Hunyo 2024, na pangungunahan ng Electronics Engineering Department Head of University of Santo Tomas na si Edison Roxas.
Dagdag pa rito, isa sa mga dahilan ng DOST sa proyektong ito ay hindi biro ang pagtuturo ng magandang pagsulat, lalo na ngayong nasa bahay lamang ang mga bata at walang propesyonal na guro ang hahalili sa kanila. Kaya naman malaking tulong ang iSULAT, hindi lamang sa mga bata pati na rin sa mga magulang.
Kaya ano pang hinihintay mo? Tara at iSULAT na!
Iniwasto ni Maverick Joe Velasco