[OPINYON] CLIMATE CHANGE: Kapitalista ang may sala, mamamayan ang kawawa

Ni Gwyneth Jemima Morales

Sa pagguhit ni John Dave Poot

 
Kalat na kalat sa social media ngayon ang listahan ng mga indibiduwalistikong solusyon sa lumalalang climate change sa gitna ng pandaigdigang protesta ng mga siyentipiko kamakailan. Ang ilan sa mga nabanggit ay ang pagbubura ng unwanted emails, pagtatanim ng puno, at pagtitipid sa kuryente. Bagamat kapuri-puring kumikilos ang lahat sa matagal nang suliraning pangkapaligiran ng mundo, hindi tunay na matutugunan ang isyu kung hindi kakalampagin ang mga abusadong kumpanya at ekopasistang bansang promotor ng pagsira sa kalikasan.

Matatandaang nagprotesta ang mahigit 1,000 siyentipiko mula sa 25 bansa bunga ng isang ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change. Kabilang sa mga nagprotesta ay si NASA climate scientist Peter Kalmus na kinalauna’y napaulat na inaresto dahil sa “civil disobedience.” Ayon sa report, kinakailangan na ng mabilis na aksiyon ukol sa pagbabawas ng greenhouse gas (GHG) emissions, o ang paglabas ng gases na nagdudulot ng pagtaas ng temperatura ng planeta pagsapit ng taong 2025. Dahil dito, nakilahok na rin ang netizens sa nasabing panawagan at naglatag ng mga abot-kayang solusyong maaaring gawin upang makatulong. Subalit, nakalulungkot isiping may hangganan lamang ang kayang itulong ng lipunan dahil nakasalalay ang drastikong pagbabago sa klima sa mga naghaharing negosyong multinasyonal at kapitalistang pamahalaan.

Ayon sa ulat ng Carbon Majors noong 2017, responsable ang 100 malalaking kumpanya sa humigit-kumulang 70% ng GHG emissions sa mundo. Dagdag pa rito, sinasabi ng ulat na mahigit kalahati ng emissions dulot ng industriyang sektor mula 1988 ay dulot lamang ng 25 kumpanya. Ibig sabihin, kahit anong pilit ng mga ordinaryong mamamayang isulong ang kanilang kaniya-kaniyang solusyon, hindi ito sasapat kung hahayaan lamang palampasin ang kapabayaan ng ilang malalaking kumpanyang may pananagutan sa lagpas kalahating nakalalasong GHG emissions sa mundo. 

Hindi sapat na rason ng GHG-heavy companies ang mataas na presyo ng renewable energy sources upang ipagpatuloy pa rin nila ang pagkonsumo sa fossil fuels na may malaking negatibong ambag sa climate change. Nagbabagsakan na ngayon ang presyo ng renewable energy sources dahil sa energy incentives na ipinagkakaloob at environmental policies na isinusulong ng pamahalaan lalo na sa Estados Unidos — ang bansa kung saan nagmumula ang karamihan sa mga malalaking kumpanyang ito. 

Lumalabas ding hindi nagiging tapat ang 25 sa pinakamalalaking kumpanya sa mundo, kabilang ang Google, Apple, at Mcdonalds, pagdating sa kanilang progreso sa pagtugon sa climate change, ayon sa 2021 na pag-aaral ng New Climate Institute. Makikita sa isang 2019 na pag-aaral ng National Resource Defense Council at Stand.earth na ang GHG reduction goal ng kumpanyang multinasyonal na Procter and Gamble (P&G) ay nasosolusyunan lamang ang 2% ng kanilang kabuuang emissions. Nakadidismayang hindi sineseryoso ng mga kumpanyang ito ang kanilang responsibilidad na pangalagaan ang kalikasan. 

Bukod pa rito, malaki rin ang papel ng mga kapitalistang lingkod-bayan sa climate change. Isang magandang halimbawa rito ang mga pinamahaging Timer License Agreement (TLA) noong panahon ng diktaduryang Marcos. Ang TLA ay isang lisensyang pumapayag sa pag-ani ng timber, kahoy, at iba pang produktong gubat sa pampublikong kagubatan. Mula 1950 hanggang 1986, 167 sa 192 lisensya na ang naibigay ng rehimeng Marcos at halos 90% ng lupang galing sa gubat ay nasa ilalim ng TLA, ayon sa March 1990 report ng The Developing Economics Journal. Nagdulot ito ng pagkawala ng 7 milyong hektaryang gubat sa bansa. Hindi na tuloy kagulat-gulat na pang-apat ang Pilipinas sa top 10 most threatened forest hotspots sa buong mundo bunga ng mas pagpapahalaga ng pamahalaan sa ekonomikong pag-unlad kapalit ng pagwasak ng kalikasan. 

Marami pang mga bansang may malaking pananagutan tulad na lamang ng Estados Unidos, mga bansa sa Europeo, at Tsina. Prayoridad ng mga bansang ito ang grabeng pag-unlad ng kanilang ekonomiya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pabrika at iba pang imprastruktura nang hindi isinasaisip ang epekto nito sa kalikasan hindi lamang sa kanilang bansa ngunit lalong higit sa third-world countries. Mapapansing mas lalo nang nagiging mapinsala ang mga bagyong dumadaan sa Pilipinas noong mga nakalipas na taon dulot ng climate change na pinasimunuan ng mga nabanggit na imperyalistang bansa. 

Samakatuwid, marapat nang magising sa masakit na katotohanan ang mga dambuhalang kumpanya at bansang mapaniil. Hindi kailanman matatawaran ang mas pagpapahalaga nila sa kuwarta kaysa sa kanilang malawakang responsabilidad sa pangangalaga ng kalikasan. Dapat maging totoo ang hangarin at hakbang ng mga kumpanyang multinasyonal pagdating sa kanilang resolbang gumamit ng abot-kayang teknolohiya at sa pamamagitan ng paglalabas ng makatotohanang taon-taong environmental report. Marapat na pumasok ang mga namumuhunan sa green investment o ang pagpopondo sa mga proyektong nagpapanatili sa likas-yaman upang mas mahikayat ang mga kumpanyang lumipat sa renewable energy. Kinakailangan ding kumilos ang mga internasyonal na organisasyon tulad ng United Nations Environment Programme sa pagsusulong ng mga polisiya at proyektong magpaparusa sa mga imperyalistang bansa. 

Limitado lamang ang kayang gawin ng mga mamamayan upang maibsan ang hagupit na dala ng climate change. Angkop lamang na magsimula ang lahat sa mga simpleng solusyon tulad ng pagtatanim ng puno, pagtitipid sa papel at kuryente, pagbubura ng emails, at pag-aayos ng diet; subalit hindi dapat dito nagtatapos ang ating panawagan. Marapat na singilin ang mga mapanupil na kumpanya at kapitalistang bansang nagpapairal ng mga makasariling proyekto at polisiyang mas pinapahalagahan ang pansamantalang mataas na kita at pag-unlad sa ekonomiya at pinipiling ibaliwala ang pangmatagalang epekto nito sa kapaligiran.



Previous Post Next Post